Ang bayan ng Ferrol ay kabilang sa mga munisipalidad sa lalawigan ng Romblon na may pinakamababang insidente ng krimen ngayong taon.
Ayon kay Police Chief Master Sergeant (PCMS) Churchill Javier, Chief Investigator ng Ferrol Municipal Police Station, simula noong Enero ng taong ito, 13 na insidente lamang ng krimen ang naitala sa bayan. Apat dito ay mga aksidente sa kalsada, dalawa ay may kinalaman sa karahasan laban sa kababaihan, at ang natitira ay mga isolated cases tulad ng pambubugbog.
“Wala tayo ditong mga krimen katulad ng mga napapanood natin sa TV na mga karumaldumal,” ayon kay Javier.
Sa kanyang pagdalo sa PIA Barangay Forum sa Barangay Poblacion noong Miyerkules, binigyang-diin ni Javier na ang mababang crime rate ng bayan ay bunga ng matagumpay na pagtutulungan ng pulisya, lokal na pamahalaan, at ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Batay sa datos mula sa Romblon Police Provincial Office, ang Ferrol, kasama ang mga bayan ng Concepcion, Banton, Calatrava, Corcuera, Magdiwang, at Sta. Maria, ay kinikilala para sa kanilang minimal na crime rates.
Samantala, sinabi rin ni PCMS Mayla Frane, Municipal Executive Senior Police Officer ng Ferrol MPS, na isa sa mga dahilan ng katahimikan sa kanilang bayan ay ang pagiging drug-cleared municipality nito.