Inilikas ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ang 24 pamilya na naapektuhan ng landslide at pag-apaw ng ilog sa bayan, simula pa nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Alice Manreza Adofina ng Cajidiocan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), apat na pamilya mula sa Barangay Lumbang Weste ang inilikas matapos masira ng landslide at baha ang kanilang mga tahanan.
Samantala, 20 pamilya o 80 indibidwal mula Barangay Cambijang ang inilikas dahil sa banta ng landslide at pansamantalang nanunuluyan sa isang paaralan.
Mula noong Setyembre 10, iniulat ng MDRRMO na may mga landslide sa Barangay Cambijang, Lico, Lumbang Este, at Lumbang Weste, kung saan pito ng area na may landslide ay patuloy pa rin ang pagdausdos ng lupa at mga bato.
Ayon kay Mayor Marvin Greggy Ramos, ito ang unang beses na nakaranas ng sunod-sunod na landslide sa kanilang bayan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Tiniyak ng alkalde na nakaantabay ang lokal na pamahalaan upang magbigay ng ayuda, kabilang ang tulong pinansyal at food packs, para sa mga inilikas.