Nagpaabot ng tulong ang mga empleyado ng Romblon State University (RSU) sa 117 Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Odiongan District Jail kasabay ng pagdiriwang sa ika-124 anibersaryo ng Philippine Civil Service.
Ayon sa press release ng RSU Center for Alumni Relations and Employment Services (CARES), ang pamamahagi ng tulong ay naging posible sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang donors at mga personnel mula sa iba’t ibang kolehiyo ng RSU. Dagdag panila, ang tulong na ipinagkaloob ay nagpapakita ng dedikasyon ng RSU sa paglilingkod sa komunidad.
May kabuuang 34 na personnel mula sa Bureau of Jail Management and Penology at 117 PDL ang nakinabang sa mga ipinamahaging kagamitan at pagkain.
Tumanggap ang mga PDL ng electric fans, hygiene kits, at libre pang pananghalian.
Nagbigay din ng libreng health promotion seminar ang kasalukuyang presidente ng Romblon Medical Society, si Dr. Renato Menrige Jr., na nagbahagi ng mahahalagang payo tungkol sa kalusugan.
Dumalo sa aktibidad si RSU President Merian Mani, kasama ang iba pang opisyal ng unibersidad. Sa kanyang talumpati, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagbibigay at pagtulong sa kapwa, hindi lamang tuwing kapaskuhan kundi sa araw-araw na buhay.