Nasa bansa na ang lahat ng 12 imports na magiging reinforcement ng 12 PBA teams sa pagbubukas ng ika-49 na season, 1st Conference Governor’s Cup ng Philippine Basketball Association (PBA), na magbubukas sa August 18, 2024. Ang lahat ng mga imports ay pasok sa 6’6” height limit.
Brgy Ginebra
Para sa crowd favorite Brgy Ginebra, muling magbabalik ang kanilang residential import at Gilas Pilipinas naturalized player na si Justin Brownlee. Unang dumating sa bansa bilang replacement import noong 2016 kay Paul Harris, nabigyan na niya ng 6 na kampeonato ang Ginebra at itinanghal na rin siyang 3-time Best Import awardee. Naging SEA Games Champion at Asian Games Champion din siya kasama ang Gilas Pilipinas Basketball Team. Maliban sa muling pagbabalik ni Justin Brownlee, sa Brgy Ginebra na rin maglalaro sina Isaac Go, Stephen Holt (via trade), at RJ Abarrientos (3rd overall pick sa nakalipas na PBA Draft).
Magnolia Chicken Timplados Hotshots
Sa Magnolia Chicken Timplados Hotshots naman ay isang NBA veteran at former slam dunk champion ng NBA ang kanilang ipaparada sa katauhan ni Glenn Robinson III. Drafted bilang 40th overall pick ng Minnesota Timberwolves noong 2014, nakapaglaro siya para sa Philadelphia 76ers, Indiana Pacers, Detroit Pistons, Golden State Warriors, at Sacramento Kings. Huling naglaro para sa Wisconsin Herd, NBA G-League affiliate team ng Milwaukee Bucks. Kasama ni Robinson sina Jerom Lastimosa (9th overall pick) at Fil-Am power forward Zavier Lucero (via trade mula sa Northport Batang Pier).
Rain or Shine Elasto Painters
Isang balik-import din ang nakuha ng Rain or Shine Elasto Painters sa katauhan ni Aaron Fuller. Dati nang naglaro para sa NLEX Road Warriors, Blackwater Elite, at Talk n Text Tropang Giga. Makakasama ni Fuller sina Beau Belga, Gabe Norwood, at mga rookies na sina Caelan Tiongson, Felix Lemetti, at Francis Escandor. Nakuha ng ROS ang kampeonato sa Kadayawan Basketball Tournament na ginanap sa Davao City.
Meralco Bolts
Si Allen Durham naman ang muling magiging reinforcement para sa Meralco Bolts. Beterano na rin sa Philippine Basketball, naging parte ng 3 runner-up finish para sa Meralco simula noong 2016. Si Durham ay 3-time PBA Best Import awardee. Muling sasandal ang Meralco kina Chris Newsome, Raymond Almazan, Cliff Hodge, at Allein Maliksi, kasama ang Romblon native na si Jansen Rios.
Converge Fiber Xers
Si Scotty Hopson ang ibabandera ng Converge Fiber Xers bilang reinforcement. NBA veteran na rin, nakapaglaro para sa Cleveland Cavaliers, Dallas Mavericks, at Oklahoma City Thunder. Makakasama ni Hopson sina Justin Arana at Justine Baltazar (1st overall pick sa PBA Draft).
Terrafirma Dyip
Para sa Terrafirma Dyip ay nariyan si Brandon Edwards. Naglaro ng college ball sa University of Texas – Arlington, bago naglaro sa Spain, Greece, Finland, Israel, Macau, at France. Kasama ni Edwards sina Stanley Pringle at Christian Standhardinger (via trade mula Brgy Ginebra).
San Miguel Beermen
Ang San Miguel Beermen naman ay magkakaroon ng reinforcement na si Tauras Jogela, isang Lithuanian national na nakapaglaro na rin professionally sa iba’t ibang liga sa Europe. Makakatulong siya kina Junemar Fajardo, Marcio Lassiter, Chris Ross, CJ Perez, at Mo Tautuaa.
Northport Batang Pier
Para sa Northport Batang Pier, si Taylor Johns ang kanilang import. Bago nakuha ng Northport, huling naglaro siya professionally sa Indonesia. Kasama ni Johns sina Jiovanni Jalalon at Abu Tratter (via trade mula Magnolia), Sidney Onwubere (mula Brgy Ginebra), at mga rookies na sina Dave Ildefonso at Evan Nelle.
Talk n Text Tropang Giga
Si Darius Days naman ang magiging import ng Talk n Text Tropang Giga. Naglaro ng college ball sa LSU Tigers at may NBA experience sa Houston Rockets at Canada. Makakatulong niya sina Jayson Castro, Ryan Reyes, RR Pogoy, Brandon Ganuelas-Rosser, at Rey Nambatac.
Blackwater Bossing
Sa Blackwater Bossing, si Ricky Ledo ang kanilang import. NBA veteran, nakapaglaro na dati para sa Dallas Mavericks at New York Knicks. Kasama ni Ledo sina Troy Rosario, Christian David, James Kwekuteye, at rookie na si Sedrick Barefield.
NLEX Road Warriors
Si Myke Henry ang magiging import ng NLEX Road Warriors. Dating naglaro sa Memphis Grizzlies, naglaro din sa Israel, Poland, Italy, Mexico, Macedonia, at Indonesia. Si Henry ay isang replacement import para sa NLEX matapos magka-injury ang kanilang original choice na si Jonathon Simmons. Kasama ni Henry sina Robert Bolick, Kevin Alas, at Sean Anthony.
Phoenix Fuel Masters
Sa Phoenix Fuel Masters, si Jayveous McKinnis ang kanilang import. Dating naglaro ng college ball sa Ole Miss Rebels bago naglaro sa iba’t ibang professional league sa Europe. Kasama niya sina Jason Perkins, Sean Manganti, at RJ Jazul.
49th Season Highlights
Ang pagbubukas ng ika-49 na season ng PBA ay kaabang-abang dahil sa pag-introduce ng 4-point shot, 27 feet away from the basket. Sinasabi ng mga taga-PBA na hindi malayong sa mga susunod na taon ay gayahin na rin ito sa ibang mga liga sa buong mundo, partikular sa NBA.