Hindi nakakuha ngayong linggo ng civil service exam sa Romblon ang ilang residente ng Tablas island matapos ma-delay ang barkong biyaheng San Agustin – Romblon kaninang madaling araw.
Ayon kay Shiela Faigao, isa sana sa kukuha ng exam, maaga pa sila nasa pantalan ng San Agustin at nag-aabang sa barko ngunit pasado alas-7 na ng umaga ito dumating sa pantalan.
Dumating ang barko sa Romblon, Romblon ay sarado na ang mga gate ng examination center dahilan para hindi makakuha ng mga ito ng exam.
Paliwanag ng ilang hindi nakakuha ng exam, marami umano sa kanila ay may trabaho pa ng Sabado kaya hindi agad makapunta ng bayan ng Romblon, Romblon nang Sabado ng madaling araw.
“Gaya po namin, hindi kami agad nakabiyahe ng Sabado ng hapon dahil may trabaho kami kapag araw ng Sabado. Kaya no choice kami kundi umalis ng linggo, kaso ito pa nangyari. Nakaka-trauma po,” pahayag ni Faigao.
“Sana next examination po dito naman po ganapin sa Odiongan dahil mas maraming nagtatake ng exam na taga Tablas. Mas madali po ang travel papuntang Odiongan kumpara papunta sa Romblon,” hiling pa nito.
Hinaing ng ilan, nasayang umano ang kanilang ibinayad na pamasahe, at examination fee dahil hindi sila nakakuha ng exam sa hindi nila kontroladong rason.