Muling nanumbalik ang sigla ng kalakalan ng turismo sa bayan ng Puerto Galera matapos ang matagumpay na pagbubukas ng Balatero Port sa mga dayuhan at bakasyunista kamakailan.
Sinalubong ni Mayor Rocky Ilagan at mga kawani ng pamahalaang bayan ang mga dayuhan na sakay ng Roll-On Roll-Off (RoRo) Ferry at fast craft upang makapagbakasyon kasama ang buong pamilya. Pinapayagan na ang pagdayo sa lugar, basta kumpleto ang mga rekisitos na kailangan tulad ng S-Pass, fully vaccination card o RT-PCR test at booking confirmation sa mga hotel.
Ayon kay Mayor Ilagan, “ang mga turista o manlalakbay na wala pang bakuna at hindi pa fully vaccinated ay mabibigyan ng libreng antigen test sa Puerto Galera Molecular Laboratory at sa Batangas Grand Bus Terminal.”
Dagdag pa ng alkalde, malaking indikasyon na muling babangon ang kanilang bayan dahil ang turismo lamang ang bumubuhay sa kanilang mga kababayan.
“Ang muling pagbubukas ng pantalan ay ang hudyat ng panunumbalik ng sigla ng bayan at unti-unting pag-ahon ng mamamayan ng Puerto Galera,” pagtatapos na mensahe ni Ilagan. (DN/PIA-OrMin)