Simula sa Biyernes, October 1, bawal muna lumabas ng kanilang mga bahay ang mga residente ng bayan ng Romblon, Romblon na hindi pa nababakunahan laban sa Covid-19.
Ito ang nakasaad sa bagong resolusyon na inilabas ng Municipal Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ng bayan.
Batay sa nakasaad sa MIATF Resolution No. 7, ipatutupad ang mga bagong guidelines sa pag-obserba ng striktong health protocol ay magtatagal hanggang October 10.
Samantala, ang mga may bakuna na papayagan namang makalabas ay pinapayuhan paring magsuot ng facemask, at face shield kung nasa enclosed establishments, na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam sinabi ng alkalde ng Romblon na si mayor Gerard Montojo na bukas naman umano ang mga businesses at mga workplace kabilang na ang construction ngunit kapag ang nagtatrabaho rito ay hindi bakunado, inaabisuhan sila na huwag nalang muna umuwi ng kanilang bahay at doon nalang mag-bubble sa kanilang pinagtatrabahuan.
Dahil rin sa tumataas na kaso sa bayan, pansamantala munang ipinagbabawal ang mga religious gatherings sa lugar katulad ng pagsamba, weddings, baptisms, at iba pa.
Pinatigil rin umano ng Municipal Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ng bayan ang pagbiyahe ng mga public utility jeepneys sa buong isla at tanging mga tricycle lamang ang papayagang bumiyahe ngunit isa lamang nag maari nitong sakay.
Inatasan rin ang mga opisina ng gobyerno at mga pribadong opisina na magpatupad ng form from home arrangement o di kaya ay skeletal work force arrangement.
Pinagbabawal rin muna ang pagpasok sa bayan mula sa ibang munisipyo maliban sa humanitarian, extreme at emergency na sitwasyon.