Ligtas na nakalangoy patungo ng Alad Island, Romblon ang anim na crew ng isang pampasaherong pumpboat na lumubog malapit sa nabanggit na isla nitong umaga ng Miyerkules, June 02.
Kinilala ang mga anim na sina Marcos Fronda, Jomar Fajanilan, Domengueto Fajilan, Onyok Fajiculay, Jil Crist Fajiculay, at Body Hapic, pawang mga residente ng Corcuera, Romblon.
Ayon kay Jessica Mazo, residente ng Alad Island, nakita umano ng mga residente ng lugar ang bangka na lumubog at agad silang nagpadala ng tulong para iligtas ang mga anim ngunit bigo ang nais tumulong dahil sa lakas ng alon.
Pinilit nalang umano ng mga crew na ito na lumangoy patungo sa lupa para mailigtas ang kanilang sarili.
Sa ngayon, nakikituloy muna ang anim sa isang residente ng isla at papalipasin muna ang bagyo bago bumalik ng Simara Island.