Kabilang ang pagnanakaw at negosyo sa ilan lamang na tinitingnang anggulo ng Special Investigation Task Group Maulion sa posibleng dahilan sa pagpatay kay Sangguniang Panlalawigan member Robert Maulion nitong nakalipas na weekend.
Sa ginanap na punong balitaan nitong Linggo, sinabi ni Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station, na tinitingnan nila ang lahat ng anggulo kabilang ang pagnanakaw at ang pagtrato sa mga trabahador para makatulong umano sa pagresolba sa kaso.
“Base sa aming report, [nawawala] yung relo na gold na may markang Rado, susi ng kanyang kotse, kanyang wallet. Yan po ay mga reported na missing. Ganun rin ‘yung dalawa niyang cellphone,” paliwanag ni Captain Fernandez kung bakit nila tinitingnan ang anggulong pagnanakaw.
Bagama’t may mga itinuturing silang persons of interest, patuloy parin umanong ginagawa ng task group ang kanilang follow-up investigation para matukoy ang suspek.
Mga ibedensya sa krimen
Nahihirapan rin makakalap ng ibedensya o footage ang kapulisan dahil wala umanong CCTV sa mismong building kung saan ginanap ang krimen. Bagama’t may mga kalsada umanong may CCTV, hindi umano malinaw ang mga mukha ng mga dumadaan dito lalo na ang mga naka-motor dahil mas naaninag ang kanilang mga headlight.
Samantala, dagdag ni PLt. Erwin Dupagan ng SOCO-Romblon, sinuri na nilang mabuti ang pinangyarihan ng krimen upang maghanap ng mga fingerprints na makakatulong sa pagresolba ng kaso.
Nangako ang Special Investigation Task Group Maulion na maglalabas ng update kung may bagong development sa nabanggit na kaso.