Kinumpirma sa pamamagitan ng isang facebook post ni Governor Jose Riano ngayong tanghali na meron ng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 sa lalawigan ng Romblon.
Aniya, dumating ngayong araw ang resulta ng test ng isang patient under investigation (PUI) sa San Jose, Romblon mula sa Research Institute for Tropical Medicine.
Sa hiwalay na panayam kay San Jose Mayor Ronnie Samson ng Romblon News Network, sinabi nito na wala na sa kanilang bayan ang German national na nagpositibo sa Covid-19.
“Itong German na ito, galing Manila ito. Umuwi siya bago pa mag lockdown. Na-admit siya sa San Jose District Hospital ng dalawang araw bago siya inilipat sa Aklan,” ayon sa alkalde.
March 09 ng umuwi ang pasyente sakay ng pribadong bangka mula Caticlan patungong San Jose at dumiretso sa kanyang bahay sa Barangay Pinamihagan.
Mula sa pagiging Person under monitoring (PUM), nagpakita ito ng sintomas at na-admit sa ospital noong March 22.
March 24 ng ito ay ilipat sa Aklan sakay ng isang pribadong bangka.
Bagamat nasa Aklan na ang pasyente, magpapatawag parin umano ng emergency meeting ngayong araw si Mayor Ronnie Samson para sa isasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente sa isla bago siya mailipat.
Magpapatupad na rin umano simula ngayong araw ng 24 oras na curfew sa buong bayan ng San Jose.
Sa ngayon, nagpapagaling na umano ang pasyente sa isang ospital sa Aklan.