Wala ng babayarang Domestic Passenger Service Charge (DPSC) o Terminal fee ang mga estudyante na sasakay ng eroplano mula sa Romblon Airport.
Ayon kay CAAP-Romblon Manager Nonie Lucidos, Ika-1 pa ng Agosto ng simulan nilang ipatupad ang kautusang naglilibre sa mga estudyante, alinsunod sa memorandum na pinirmahan ni CAAP Director-General Jim Sydiongco noong July 26.
Sinabi ni Lucidos na ang lahat ng mga estudyante mula Kinder hanggang College kasama ang mga nag-aaral sa vocational schools ay walang babayarang terminal fee sa mga lahat ng paliparang hawak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasama na ang Romblon Airport.
Kung sakali umanong kasama na sa kanilang nabiling ticket ang terminal fee ng Romblon Airport na aabot sa P100, maari silang kumuha ng refund mula sa CAAP representative na nakatalaga sa paliparan.
Kinakailangan lang ng mga estudyante na mag fill-up ng Student Exemption Certificate, at magpakita ng photocopy ng student ID or school registration card.
Simula August 1 hanggang August 15, isang estudyante palang umano ang nakakakuha ng exemption mula sa CAAP kaya pinapayuhan ni Lucidos ang mga biyaherong estudyante na gamitin ang pribilehiyo na binigay sa kanila ng gobyerno.
Sa ngayon, iisang eroplano palang ang bumabiyahe sa Romblon Airport. Ito ay umaalis ng Manila patungong Romblon at pabalik tuwing Linggo, Miyerkules, at Biyernes.