Marami ang hindi nag-akala na papatok sa takilya ang pelikulang “Bohemian Rhapsody,” na tumalakay sa kuwento ng British band na “Queen,” at sa buhay ng vocalist nitong si Freddie Mercury. At tanong ng kurimaw nating sintunado na nakapanood ng pelikula, may puwede kayang Pinoy version nito?
Pero bago nating pag-usapan ang posibleng Pinoy version ng “Bohemian Raphsody,” pasadahan muna natin ang “Chief Justice Raphsody” matapos na hirangin ni President Mayor Rodrigo Duterte si Associate Justice Lucas Bersamin, bilang bagong Chief Justice ng Supreme Court.
Siya ang magiging opisyal na kapalit ni Teresita Leonardo-De Castro, na nagretiro noong Oktubre. At kung hindi makikialam ang “tadhana,” mauupo si Bersamin bilang punong mahistrado hanggang Oktubre 2019, pagsapit naman ng kaniyang pagreretiro sa edad na 70.
May mga pumupuna sa pagpili ni Duterte kay Bersamin na “bayad-utang” ang tingin. Kung “seniority” raw kasi sa pagiging justice ng SC ang pag-uusapan, mas matagal sa kaniya ang isa pang nominado at mas popular na si Associate Justice Antonio Carpio, at naging “acting CJ” nang magretiro si De Castro. Iyon nga lang, kung pagbabasehan naman ang pagiging “senior” pagdating sa patagalan nang pagiging miyembro ng hudikatura (mula sa pagiging hukom sa mababang korte, naging miyembro ng Court of Appeals, hanggang sa makaakyat sa SC) aba’y masasabing inugatan na si Bersamin.
Pero anuman ang nating pasya ng pangulo, dapat igalang ang kaniyang desisyon kung sino ang nais niyang maging CJ niya. At kung may mga desisyon man noon si Benjamin na masasabing “hindi popular” sa iba, dapat isipin na isang boto lang siya sa lupon ng mga mahistrado. Gaya nang dati, walang pinakamagandang gawin ang kaniyang mga kritiko kung hindi bantayan kung papaano niya pamumunuan ang SC.
At dahil may tatlong taon pa sa puwesto si President Mayor Duterte, at matatapos ang termino ni Bersamin sa Oktubre 2019, aba’y kailangan muli niyang magpalit ng CJ sa ikatlo, at posible pang umabot sa hanggang ikaapat na pagkakataon.
* * *
Balikan na natin ang “Bohemian Raphsody” at posibleng Pinoy version nito. Dapat sigurong makapulot ng ideya ang mga producer [kahit man lang ng indie film] kung papaano gumawa ng isang pelikula na tatalakay sa buhay ng isang banda at lead singer nito na bebenta sa mga tao.
Marami nga ang hindi nag-akala na papatok sa mga manonood ang kuwento ng buhay ni Freddie Mercury at ng banda niyang “Queen” dahil sa maituturing na pang 70’s at 80’s ang mga tagasuporta nito at “millennial” na ngayon. Pero ang nangyari, pati ang mga kabataan ngayon eh nagustuhan ang pelikula.
Benta ang pelikula hindi lang dahil sa mga ipinaalalang mga patok na kanta ng Queen, kung hindi dahil sa makulay na kuwento na rin ng nangyari sa banda, at sa naging buhay ni Freddie, isang bading na patago, na namatay sa sakit na AIDS.
Kung gagawa man siguro ng Pinoy version ng ganitong pelikula na hango sa kuwento ng banda at sa lead singer, sino kaya ang bebenta? Hindi naman siguro kailangan na patay na lead singer o nagkawatak-watak na ang banda. Ang mahalaga lang siguro, may naiwang marka ang kanilang musika na muling magpapaalala sa mga manood, at siyempre, mag-iiwan ng magandang aral sa mga tao.
Sa tingin n’yo mga tsong, sino sa mga bandang Pinoy at lead vocalist ang magandang gawan ng pelikula? Ang “Eraserhead” kaya ni Ely Buendia, ang “The Teeth” ni Glenn Jacinto, o ang “The Dawn” ni Jett Pangan? Eh kung ang “The Youth” kaya ni Dodong Cruz, “Yano” ni Dong Abay, o “Siakol” ni Noel Palomo?
Puwede rin ang “Alamid” ni Gary Ignacio, o ang “Wolfgang” ni Basti Artadi, o ang mas beteranong banda ng “Juan Dela Cruz” nina Mike Hanopol, Wally Gonzales, at Jose Pepe Smith. Sinong nasa isip n’yo?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)