Aabot sa halos 3,000 na katao ang dumagsa sa Christmas Capital ng Romblon, ang Alcantara, nitong Huwebes ng gabi para saksihan ang taunang pagpapailaw ng pinakamalaking Christmas Tree sa buong Romblon.
Gawa sa kawayan ang mahigit 90ft na Christmas Tree na nilagyan ng nagagandahang mga parol, pailaw, at malaking star sa tuktok. May platform rin sa baba ng Giant Christmas Tree kung saan pwedeng umakyat para makita ang view ng buong park, na ginawang isang Christmas village.
May mga booth ring nilagyan nila ng snowman, maliit na christmas tree, meron ring may santa clause, at siyempre may booth na may litrato ng pagsilang kay Hesus.
Enjoy na enjoy ang mga mga bisita dahil sa nagliliwanag na mga christmas lights sa mga booth, Ang mga nasabing booth na nilagyan ng desinyong pamasko at nagliliwanag na mga christmas lights ay ginawa ng 12 na barangay ng Alcantara.
Patok rin para sa mga bumibisita sa lugar ang dalawang Christmas Light Tunnel na may haba na halos 30 meters na ang dulo ay paanan ng Giant Christmas Tree.
Libreng pumasok at magpalitrato sa mga nakadisplay sa buong park para sa mga bumibisita at mga residente ng bayan ng Alcantara.
Bago pa man pailawan ang Giant Christmas Tree, nagkaroon muna ng maikling programa kung saan nagpakitang gilas ang mga estudyante ng iba’t ibang paaralan sa bayan. May kumakanta at may mga sumasayaw, mapabata man o matatanda.
Ang nasabing pagpapailaw ay ika-9 na taon na ngayong ginagawa sa bayan ng Alcantara.