Isang pampasaherong pumpboat na biyaheng Caticlan galing San Jose, Romblon ang bumalik sa pantalan ng San Jose matapos na mabutas ang ilalim ng bangka at pasukin ng tubig habang nasa gitna ng dagat.
Sa video na kuha ng isa sa mga pasahero na pinadala sa Romblon News Network, makikita ang mga crew ng nasabing pumpboat na dali-daling tinantaggal ang mga naipong tubig sa ilalim na deck ng pumpboat habang ang mga pasahero naman ay nag-aantay na makababa sa pantalan.
Kwento ng mga sakay ng barko, bandang alas-9 ngayong umaga ng umalis ang kanilang sinasakyang pumpboat sa San Jose Port ngunit hindi pa sila nakakalayo ay bigla umanong may tumunog sa ilalim ng bangka at dito na nakita ng mga crew ng pumpboat na may butas na ang ilalim ng bangka matapos sumalpok umano sa isang bato.
Ligtas naman umanong nakababa ng San Jose Port ang halos 15 na pasahero at crew na sakay ng pumpboat at inayos muna ang bangka bago tumuloy sa biyahe.
Ilan umano sa mga pasahero na biyaheng Caticlan ay papasok sana sa trabaho. May sakay rin umano ang pumpboat na isang pasyente na ililipat sana sa isang ospital sa Aklan mula sa San Jose District Hospital para doon gamutin.
Walang pahayag ang Coast Guard Sub Station sa nasabing bayan kaugnay sa insidente.