Ginunita ngayong araw ang ika-13 taong commemoration ng “Battle of Sibuyan Sea” sa bayan ng Alcantara, Romblon kung saan naging panauhing pandangal si Sangguniang Panlalawigan member Venizar Maravilla.
Nagbigay ito ng maikling talumpati sa harap ng mga bisitang estudyante, guro, mga empleyado ng munisipyo, mga pulis, sundalo, at mga residente ng Alcantara.
Ang “Battle of Sibuyan Sea” ay taunang ginugunita sa naturang bayan bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga beteranong sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan nagpamalas ng kagitingan noong 1944 ang mga sundalong Amerikano at Pilipino laban sa mga Hapon na nagkaroon ng matinding sagupaan sa Sibuyan Sea na nasa pagitan ng Alcantara at Cajidiocan.
Magugunita na noong Oktubre 24, 1944 ang Battle of Sibuyan Sea ang naging simula ng Battle of Leyte Gulf kung saan napalubog ng mga Submarine at Aircraft Carrier ng Amerika ang napakalaking barkong pandigma ng Japan na “Musashi.”
Ayon kay Sangguniang Bayan Member Jose Luis Morales, Chairman ng Committee of Tourism, ang tema ng commemoration ng ‘Battle of the Sibuyan Sea’ ngayong 2018 ay ‘A Recall For Work, Peace and Reconciliation’.
Nag-alay rin sila ng bulaklak sa marker ng Battle of the Sibuyan Sea na nilagay sa tabin-dagat ng bayan ng Alcantara.