Sa isang survey na ginawa ng Social Weather Station noong nakaraang Marso, lumitaw na dumami ang “adult joblessness” sa bansa. At kapag napapanood naman natin sa balita ang mga walang trabaho, ang laging dahilan eh wala silang makitang trabaho.
Sa naturang survey ng SWS , sinasabing 23.9 porsiyento ng mga “adult” na Pinoy o tinatayang nasa 10.9 milyon ang walang trabaho. Ang malungkot nito, mas mataas ito sa 8.2 porsiyento na naitala noong Disyembre.
Pero hindi siguro kataka-taka kung mas dumami ang walang trabaho sa survey noong Marso. Kasi nga naman, ang Disyembre eh holiday season kaya natural na maraming bakanteng trabaho lalo na sa mga mall at establisimyento na mahihilig sa “endo” o “contractual.”
Kaya kung na-hire sila simula ng Setyembre, malamang na hanggang January lang sila may trabaho at nadadale na sila “endo” bago pa sila maka-anim na buwan sa kompanya.
Ang isa pang de-kahon na katwiran na tiyak na madidinig natin sa mga opisyal ng gobyerno eh “mismatch” ng trabaho at kursong tinapos ng aplikante. Mantakin mong taun-taon na may kalahating milyon na “workforce” na nadadagdag sa puwersa ng mga manggagawa mula sa mga bagong graduates, natural na maipon at magkapatong-patong na parang utang ang mga walang trabaho.
Aba’y ilan trabaho ba ang nalilikha sa Pilipinas taun-taon? Sinasabing para mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho, dapat ay nasa isang milyong trabaho ang kailangan malikha mula sa iba’t ibang sektor. Ngayon, ibinibida ng pamahalaan na isang milyong trabaho ang kayang likhain ng “Build,Build,Build” programs.
Iyon nga lang, dahil ang sentro ng programa eh mga paggawa ng mga kalsada at iba pang infra projects; mga trabahong pangmaton ang karamihan gaya ng mga mason, welder at iba pa. Sa nakaraang silip natin sa website ng programa para sa mga naghahanap ng trabaho, aba’y 9,000 lang ang bakanteng posisyon kahit pa nasa kalagitnaan na tayo ng taon.
Ang matindi nito, habang marami ang naghahanap ng trabaho na mapapasukan, aba’y sinabi ni Budget Secretary Ben Diokno na mahigit 264,000 posisyon o trabaho mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang bakante pala.
Kabilang sa mga bakanteng posisyon na dapat daw punuan ay 125,000 para sa teaching and teaching-related positions, mahigit 90,328 sa “general civil servants,” 34,306 para sa military and uniformed personnel, at 13,914 for medical and allied medical workers.
Sa naturang mga bakanteng trabaho, sinabi ni Diokno na 70,000 sa mga ito ang nasa Metro Manila, 19,000 sa Calabarzon, 15,000 sa Region 3, at 14,000 sa Bicol region.
Ang tanong ng ating kurimaw na tambay, bakit hindi napupunan ang mga bakanteng trabaho at hindi ipinapaalam ng mga kaukulang ahensiya na may mga trabaho na puwede nilang aplayan?
Siguro ang isa sa mga sasabihing dahilan eh dapat may civil service eligibility ang aplikante o kaukulang karanasan. Pero kung hindi naman mataas ang posisyon ang trabaho, baka puwede na sigurong luwagan ang tungkol sa experience. At pagdating sa civil service eligibility, bakit hindi magsagawa ng libreng pagsusulit ang Civil Service Commission. O kaya naman eh magsagawa ng info drive ang CSC sa lalo na sa mga fresh grad na hikayatin silang kumuha ng exam upang makapagtrabaho sila sa gobyerno.
O baka naman sinasadya ng mga ahensiya na hindi punan ang bakanteng puwesto para mas malaki ang kanilang “savings” sa pagtatapos ng taon na gagawin nilang “bonus?”
Sa halip na lusawin ang mga posisyon na hindi mapupunan, gaya ng banta ni Diokno, ang dapat sigurong gawin ay gumawa ng website kung saan makikita ang mga bakanteng puwesto sa gobyerno para maaplayan ng mga kuwalipikadong tambay.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)