Sa isang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) noong 2015, lumitaw na pangalawa ang mga pedestrian o mga naglalakad sa mga lansangan sa may pinakalamalaking bilang ng mga nasawi sa mga sakuna sa kalye. Ang masaklap, marami sa kanila, tumatawid naman sa tamang tawiran.
Batay sa naturang Global Status Report on Road Safety 2015, lumitaw na nanguna sa listahan ng mga nadedo sa aksidente sa kalye ang mga nagmomotorsiklo, sumunod ang mga naglalakad, at sinundan ng mga sasakyang pribado at mga sasakyang pampasahero.
Kung titingnan ang listahan ng mga nasasangkot sa sakuna, tanging ang mga naglalakad ang wala sa sasakyan pero pangalawa sila sa pinakamataas ang bilang ng mga nadadale ng mga nasa sasakyan.
Kamakailan lang, isang college student ang namatay sa Maynila matapos siyang bundulin habang tumatawid sa pedestrian lane. Dalawang iba pa ang nasaktan.
Ang matindi pa nito, hindi tumigil ang kumag na motorista at pinabayaan ang kaniyang mga biktima. Mabuti na lang at naplakahan ang kaniyang sasakyan at may kuha ng CCTV kaya nasakote kinalaunan ang mokong na napag-alaman na Chinese at papunta na sa Hong Kong. Eh papaano kung walang nakakita?
Noong nakaraang Marso naman, malubhang nasugatan ang isang call center agent nang bundulin din siya ng isang kotse habang tumatawid sa pedestrian lane. Tumakas din ang kumag na motorista at hindi natin batid kung nahuli ang mokong.
Sa Pampanga naman kamakailan, isang estudyante at tumawid at nahagip ng isang truck na nag-overtake. Walang sinabi sa ulat kung may pedestrian line sa lugar pero malinaw na reckless driving ang truck dahil nag-overtake siya sa ride side ng kalye na ginagawa daw ang kalsada.
Ang pagsingit ng mga motorisklo sa kanan na malapit sa mga bangketa, at hindi nagmemenor sa takbo ang isa rin sa mga dahilan kaya maraming tumatawid ang kanilang nadidisgrasya. Pero hindi gaya ng mga sasakyan na apat ang gulong, madalasang bali sa katawan ang inaabot ng mga kawawang biktima ng mga nakamotorsiklo.
Pero ang tanong ng ating kurimaw na mahilig tumambay sa footbridge, ano ang nangyayari sa mga driver na nakaaksidente kapag nakipag-areglo sa kanila ang biktima? Hahayaan pa rin ba silang magmaneho dahil may pera silang magpagamot o pampalibing sa kanilang nadisgrasya.
Ang masaklap na katotohanan kasi sa atin, madaling nakalulusot ang motoristang nakadisgrasya basta may pera siyang pag-areglo sa biktima. Madali rin siyang makalalaya dahil puwedeng magpiyansa dahil ang kadalasang kaso na isinasampa sa kanila ay reckless imprudence resulting to physical injury [may “serious” kung malubha ang lagay ng biktima] at reckless imprudence resulting to homicide.”
Kapag pobre ang biktima na walang pagbayad sa ospital o pampalibing, papayag silang makipag-areglo sa mokong sa motorista para iurong ang kaso sa simpleng linyang “nakipag-areglo.” Ngayon ibabalik natin ang tanong ng ating kurimaw—ganun na lang ba ‘yon? Dapat pa rin ba silang payagang magmaneho?
Siguro dapat magkaroon ng batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga motorista na makakadisgrasya sa mga tumatawid sa pedestrian lane. Halimbawa, hindi sila puwedeng magpiyansa at mas mabigat ang parusang kulong. Aalisan na rin sila ng lisensiya.
Bilang driver, hindi dapat tanggapin na palusot na hindi nila nakita ang biktima; dahil unang-una, dapat maghinay-hinay sa mga pedestrian line lalo na kung may makikitang tao na nakapormang tatawid.
Dapat ding magkaroon ng batas na magbibigay ng ayuda sa mga biktima na nadisgrasya habang tumatawid sa tamang tawiran para hindi sila madaling mahikayat ng nakadisgrasyang motorista na makipagkasundo na lang.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)