Dati, baha ang pinatutungkulan ng kasabihang ang, “basurang itinapon mo, babalik sa’yo.” Pero mukhang darating ang araw na ang kasabihang ito ay tatama na mismo sa ating katawan—partikular sa kalusugan.
Batay kasi sa ilang pag-aaral, lumilitaw na ang asin na mula sa tubig-alat o dagat ay sinasabing may halo nang “microplastic” o maliliit na butil ng plastic na mula sa itinatapon na basura ng mga tao sa dagat at napoproseso sa paggawa ng asin.
Sa ngayon, hindi pa naman daw magdudulot ng sakit ang microplastic na nakikita sa asin. Pero kung magpapatuloy ang pagdami ng plastic na itinatapon sa karagatan, natural na dadami rin ang maliliit na butil ng plastic na mahahalo sa ginagawang asin.
Sabagay, hindi naman siguro masama kung itigil ang paglalagay ng asin sa mga pagkain. Katunayan, ang pampaalat na dulot ng asin sa mga pagkain eh maaaring pagmulan ng iba’t ibang sakit tulad sa bato o kidney kapag nasobrahan sa alat. Pero kung matigil man ang produksyon ng asin, may puwede pang pamalit sa alat ng asin gaya ng pawis sa kilikili na may halo nga lang asim.
Iyon nga lang, kawawa naman ang mga kababayan natin na nakikinabang sa produksyon ng asin kapag nawalan sila ng hanapbuhay. Ano kaya ang posibleng pamalit nilang hanapbuhay? Tagagawa naman ng patis o bagoong?
Base umano sa pag-aaral ng France, United Kingdom at Malaysia noong 2017, labingpitong uri ng asin mula sa walong bansa ang sinuri. Lumitaw dito na 16 sa mga sinuri ang positibo sa microplastics. Dahil dito, napagpasyahan na gawing regular na ang mga pagsusuri sa mga asin ng mula sa dagat upang mabantayan ang antas ng microplastic.
Dahil sa naturang resulta ng pagsusuri, muli na namang umingay ang panawagan na bawasan kung hindi man matitigil ang pagtatapon ng plastic sa karagatan. Mantakin nyo mga tsong, kasama ang Pilipinas sa limang bansa (kasama ang China, Indonesia, Thailand at Vietnam) sa mga bansa na pangunahing pinagmumulan ng basurang plastic na napupunta sa karagatan.
Aba’y malaking peligro sa mga lamang-dagat ang mga plastic. Katunayan, kamakailan lang, isang balyena ang namatay sa karagatang sakop ng Thailand. Nang biyakin ang tiyan ng balyena para alamin ang sanhi ng pagkamatay nito, aba’y 80 plastic bag ang nakita sa kaniyang sikmura. Ikaw man itong tao na kumain ng ilang piraso ng plastic bag, malamang pagkaraan ng ilang linggo ay sasakitan ka ng tiyan kung hindi mo iyan mailalabas sa iyong puwetan.
Dahil hindi nalulusaw ang plastic [kahit pa malakas ang asido mo sa tiyan] para kang laging busog na magreresulta sa pananakit ng tiyan. Pagkatapos niyan, mawawalan ka na nang ganang kumain hanggang sa matepok ka na gaya ng sinapit ng balyena.
Sabi ng mga dalubhasa, kinakain ng mga balyena ang plastic [hindi dahil sa timawa sila sa pagkain] kung hindi dahil sa napagkakamalan nila itong pagkain talaga gaya ng jelly fish o pusit at iba pa. Hindi lang mga balyena ang nakakain ng plastic sa dagat, kasama rin ang ilang pawikan at dolphin sa mga naiulat na noon na namatay dahil sa kinaing basura ng tao.
Ngayon ang malaking tanong ng ating kurimaw, papaano nga ba mababawasan ang mga plastic na itinatapon ng mga tao? Lalo na ang mga plastic bag na kung minsan ay kasama pang “huma-bomb” na itinatapon sa ilog ng mga Pinoy na walang kubeta.
Pero may kasabihan tayo na “basta gusto, may paraan.” Ang kailangan lang talaga ay maipatupad ng pamahalaan, lalo na ng lokal na pamahalaan at barangay, ang pagdesiplina sa mga tao tungkol sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng mga basurang nabubulok at ‘di nabubulok. Ang hindi susunod, pakainin ng plastic na isinawsaw sa asin.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)