Sa pagtatapos ng Marso na buwan ng kababaihan, gusto lang nating magpahabol ng paalala mga tsong sa lahat ng tropa nating kelot na dapat na minamahal ang mga babae at hindi sinasaktan—pisikal man o emosyonal.
Naisipan nating ipaalala ito dahil sa nangyaring insidente kamakailan sa Taguig City na isang misis ang sinaksak ng kaniyang mister nang dahil sa pagtanggi ng ginang na pagbigyan ng init ng katawan ng asawa.
Aba’y nang mahimasmasan yata si mister sa kaniyang ginawa, nagpakamatay na lang ang lalaki. Nadala naman sa ospital ang ginang para magamot. Ang trahedya ay nangyari nang dahil lang sa matinding “L” ni mister, na dapat ay idinaan na lang niya sa isa pang “L” as in ligo.
Hindi naman porke asawa mo na ang babae ay puwede mo nang gawin ang lahat kay misis. Bagaman bahagi ng obligasyon ni misis bilang kabiyak na paligayahin si mister, aba’y dapat pa rin naman igalang ng lalaki kung “ayaw” ni babae na makipag-loving-loving. Malay mo naman at baka may dinadamdam o may sakit si misis, o sobrang pagod sa pag-aasikaso sa mga gawaing bahay o mga anak, aba’y hayaan na muna silang makapagpahinga.
Kapag kasi pinilit ni mister na makipag-tanggo sa kaniya sa kama si misis kahit sinabi ng babae na “ayaw” niya, aba’y baka makasuhan si mister ng “marital rape.” At kung mamalasin, puwede pang mauwi sa trahediya ang lahat gaya nang nangyari sa mag-asawa sa Taguig.
Isa pa, baka kapag pinilit ni mister si misis at naisipan ng ginang na maghiganti, baka magising na lang si mister na nakahiwalay na sa kaniya si “junior.”
Ang nangyari sa ginang sa Taguig ay isa lang halimbawa nang masaklap na kapalaran ng mga babaeng may asawa o may kinakasama, na nagiging biktima ng kalupitan ng kanilang mister—pisikal man, emosyonal, o maging sekswal.
Base sa 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), isa sa bawat apat na kababaihan na may asawa o kinakasama na edad 15 hanggang 49 ang nakakaranas ng karahasan sa kamay ng lalaki.
Lumitaw sa pag-aaral na 20.4 porsiyento ng mga tinanong na kababaihan ang nakaranas ng emotional violence; 13.5 porsiyento naman ang pisikal na sinaktan; at 5.2 porsiyento ang nakarasan ng sekswal na pang-aabuso.
Ang kapansin-pansin sa naturang survey, lumilitaw na mas maraming kababaihan [53.4 porsiyento] na hiwalay na sa asawa o nabiyuda na ang nakararanas ng karasahan sa kamay ng bago nilang kinakasama. Ang mga may asawang babae na nakararanas naman ng karahasan sa kanilang mister ay 24.4 porsiyento.
Pagdating naman sa edad ng mga babae, mas mataas ang bilang ng mga nasa edad 15-24 ang nakararanas ng karahasan sa kanilang kabiyak [28.9 porsiyento], kumpara sa 25.7 porsiyento sa mga babaeng edad 40-49.
Sa ganitong sitwasyon na masasabi ng ating kurimaw na talo ang kababaihan, mapapaisip malamang ang marami, dapat na nga kayang aprubahan ng Kongreso ang panukalang batas na gawing mas simple at madali ang diborsiyo para makakalas ang babae sa mapang-abusong mister? O baka ang kailangan lang ay mas mabigat na parusa laban sa mga mapang-abusong mister? Ano sa tingin niyo mga tsong at tsang?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
Follow me on Twitter: