Maliban sa araw-araw na sakit ng katawan na inaabot ng mga mandirigmang pasahero ng MRT tuwing peak hours sa umaga at gabi, ang peligro na magkaroon o mahawahan ng sakit ang tiyak na inaalala ng marami.
Kung sasakay ng MRT ang mga iginagalang natin mga opisyal tulad ni Secretary Harry Roque sa oras ng pasukan o uwian ng mga tao, makikita nila na marami na ring pasahero ngayon ang mukhang mga ninja o duktor na mag-oopera na may takip sa mukha.
Hindi naman sa nahihiya sila sa hitsura nila o maarte sila na ayaw magpakita ng kanilang mukha, pero kung makikita mo kung gaano kasiksik ang mga tao sa loob ng mga bagon na halos magkapalitan na ng mukha, aba’y maigi talaga na mayroon kang face mask.
Kung masama naman ang balak mo at gustong mandukot o mang-chansing, puwede ka ring maglagay ng takip sa mukha. Pero maaaring ang iba sa kanila eh ayaw lang makahawa kung mayroon man silang sakit.
Samantala ang iba naman, ayaw mahawahan ng sakit ng ibang pasahero. Isipin niyo kung sakaling magkaroon ng matinding virus sa Metro Manila at may pasahero na may dala ng mikrobyo, aba’y tiyak na madaling kakalat ito.
Sa Amerika, problemado ngayon at nababahala ang marami dahil sa mataas na kaso ng flu sa ilang estado nila. Marami na ang namamatay at itinuturing ito na ang pinakamatinding pagtama ng flu sa bansa sa nakalipas na isang dekada.
Isipin niyo na lang, marami ang nag-aakala na makukuha ang flu o trangkaso sa pahinga at pag-inom ng maraming tubig para gumaling.
Ang iba, kumpiyansa sa bakuna na pangontra dito. Pero ang nangyari, mukhang di na umuubra ang bakuna. Ang isang maunlad na bansang Amerika, problemado ngayon sa sakit na akalang easying-easy lang gamutin. Ang tanong, paano pa kasama sa bansa natin kung mangyari sa atin ito lalo na’t paparating na naman ang summer season?
Sa loob ng isang araw, nasa 300,000 hanggang 500,000 ang sumasakay sa MRT. Dahil nga daw sa dami ng pasahero kaya nabubugbog ang mga bagon at riles kaya nasisira. Ngunit maliban sa paghahanap ng paraan kung papaano maayos ang serbisyo ng MRT, naiisip kaya nila na linisin nang husto o i-disinfect ang mga bagon?
Gaya na lang trangkaso o iba pang “influenza” na maaaring makahawa ng tao sa pamamagitan ng “droplets,” aba’y may isang bumahing lang o umubo sa loob ng siksikang bagon, yari na ang mga kalapit niyang mga pasahero. Ang mga mahahawahan niya, sasakay naman sa susunod na araw at sila naman ang magmumulan ng virus.
Baka iniisip ng iba na dati nang nagkakaroon ng mga ganitong influenza virus sa Pilipinas pero wala namang epidemiya na nangyayari sa Metro Manila, ang tanong aantayin pa ba nating mangyari iyon? Huwag kalimutan na laging may “first time.”
Sa ngayon, maaaring “putok,” buni, an-an, at amoy-pawis ng mga kapwa pasahero ang pinapangambahan ng mga mandirigmang pasahero na maaari nilang makuha sa pagsakay nila sa mala-sardinas na MRT. Maliban pa siyempre sa inaalala ng mga babaeng pasahero na baka matabihan sila ng mga manyakis.
Ngunit sana eh hindi dumating ang sitwasyon na matataranta ang gobyerno dahil may delikadong virus na kumakalat dahil sa siksikang MRT. Kaya ngayon pa lang, aba’y ayusin na ang dapat ayusin bago maging huli ang lahat.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)