Sa harap ng ingay ng tugtog ng Cha-cha o Charter change, malamang na ang pinakasintunadong tunog sa pandinig ng mga tao ay ang planong alisin ang term limits ng mga mambabatas at halal na opisyal para maging “one to sawa” silang makatakbo sa kanilang mga posisyon.
Dahil tiyak na iisipin ng publiko na makasariling interes ng ilang mambabatas [lalo na ang mga kongresista] ang pag-alis ng kanilang term limits, malamang na mamiligro rin at mababalutan ng pagdududa ang iba pang intensyon sa Cha-cha gaya planong gawing pederalismo ang sistema ng gobyerno, at baguhin ang mga economic provision para makaakit pa lalo ng mga dayuhang namumuhunan.
Marahil iniisip ng ibang mambabatas na hindi na kikiyeme o kikibo ang mga millennial o higit na nakararaming kabataan ngayon tungkol sa term limits at term extension.
Baka nga naman hindi nila alam kung bakit inilagay ang term limits sa 1987 Constitution matapos mapatalsik sa kapangyarihan si dating Pangulong Ferdinand Marcos na 20 taon na naupo sa Malacanang.
Para sa kaalaman ng mga milenyal, tatlong taon lang ang termino ng mga kongresista. Maaari naman silang tumakbo sa naturang posisyon ng tatlong ulit sa magkakasunod na halalan para sa kabuuang siyam na taon. Ganito rin ang termino ng mga gobernador, alkalde at bise alkalde.
Ang mga senador, anim na taon naman ang termino at maaari silang tumakbo ng dalawang beses para sa kabuang termino na 12 taon. Kung bakit mas mahaba ang termino ng mga senador, hindi natin alam.
Pero mas mahirap at magastos ang kampanya ng mga senador na nationwide kumpara sa per distrito lang sa mga kongresista. Kaya mapapansin ninyo, may ibang senador na tumatakbong kongresista kapag nakompleto na nila ang buong 12 taon termino matapos silang mahalal ng dalawang magkasunod. Ganun din naman sa kongresista, gobernador, mayor at vice mayor, na lumilipat ng posisyong tinatakbuhan kapag nakompleto nila ang siyam na taon.
Sa ating presidente at bise presidente, anim na taon lang ang kanilang itatagal sa puwesto at hindi na sila maaaring umulit sa kaparehong posisyon. Hindi tulad ng mga senador, kongresista, at iba pang lokal na opisyal na maaaring muling tumakbo sa kanilang posisyon kapag nakapagpahinga sila ng tatlong taon, o nakapagpalipas ng isang halalan.
Sinasabing inilagay sa 1987 Constitution ang limitasyon sa termino at tagal ng mga mambabatas at mga halal na opisyal sa kaniyang puwesto para hindi sila maging “for life” sa kapangyarihan at mabigyan ng pagkakataon ang ibang nais magsilbi sa bayan.
Ok sana kung matino at mahusay ang opisyal dahil suwerte ng kanilang mga constituent, pero papaano kung hindi? Eh di habambuhay na magdudusa ang mga tao lalo na kung kaya niyang paikutan ang sistema ng halalan.
May iba na napapaikutan ang term limit sa pamamagitan ng pagpapatakbo sa kanilang mga kaanak [asawa, anak, kapatid o iba pa] kapag nakumpleto na nila ang kanilang termino.
Ang iba namang pulitiko na magkaalyado, nagpapalitan lang ng puwesto. Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon eh tagumpay sila. Maraming halal at lokal na opisyal ang hindi na nakakabalik sa dati nilang puwesto kapag nakapagpahinga sila ng tatlong taon o nawala sa sirkulasyon ng isang halalan.
Ngayong may plano ang lider ng mga kongresista na apurahin ang Cha-cha kahit hindi makisayaw sa kanila ang mga senador para maisabay ang plebisito o referendum nito sa darating na barangay at sangguniang halalan sa Mayo, makabubuting matyagan at suriin kung anong gagawin nila sa kanilang termino lalo pa’t maraming mambabatas ang ga-graduate o tapos na sa kanilang siyam na taong termino.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)