Nakakaalarma ang naglalabasang balita na tila dumadami ang mga kabataan na nasasangkot sa kalokohan; na kung hindi sila ang biktima eh sila ang nasa likod ng krimen.
Halimbawa nito ang nangyari sa magkaibigang Carl Angelo Arnaiz, 19 at Reynaldo ‘Kulot’ De Guzman, 14. Si Arnaiz, napatay ng mga pulis dahil nanlaban daw matapos mangholdap sa Caloocan. Samantalang nakita naman na tadtad ng saksak sa dibdib si De Guzman.
Kung paniniwalaan ang bersyon ng mga pulis, hindi biktima kung hindi isang kriminal si Arnaiz. Pero kung ang kaniyang mga kaanak naman ang tatanungin at resulta ng re-autopsy ng Public Attorney’s Office , biktima si Arnaiz dahil hindi ito nanlaban.
Para bang kaso ni Kian Delos Santos, 17, na napatay din ng mga pulis sa Caloocan dahil nanlaban daw sa isinagawang anti-drug operation. Pero sabi ng PAO at kaniyang mga kaanak, inosente ang binatilyo at biktima ng pagmamalabis ng mga pulis ang binatilyo.
Ang malabo talaga ay itong nangyari kay De Guzman. Bakit nga ba siya kasama ni Arnaiz at nakarating ng Caloocan gayung taga-Cainta sila. At kung pagbabatayan ang mga report, lumalabas na buhay pa siya nang kumalat sa mga balita na posibleng biktima ng rubout si Arnaiz.
At bakit ganun kalupit ang pagpatay sa kaniya? Binalot ng packing tape ang mukha, tinadtad ng saksak at itinapon sa sapa sa Nueva Ecija. Sa ngayon, ang taxi driver na sinasabing hinoldap daw ni Arnaiz ang posibleng makapagbigay ng linaw kung talaga bang sangkot sa krimen ang binata at ang binatilyong si De Guzman.
Ang tanong marahil ng ating kurimaw, buhay pa kaya ang driver kung sakaling hindi naman pala talaga si Arnaiz ang nangholdap sa kaniya, o kung totoo ngang holdaper si Arnaiz, buhay kaya ito nang nadakip at pagkatapos eh sadyang pinatay na lang?
{googleads center}
Pero ang nangyari kina Arnaiz, De Guzman at Delos Santos eh kapiranggot pa lang kung tutuusin sa lumalaking problema ng bansa sa mga kabataan o menor de edad na nasasangkot sa kalokohan, na kung tawagin eh “in conflict with law.”
Dahil hindi kaagad napapanagot sa batas ang mga menor de edad o 17-anyos pababa, nagiging malakas ang loob nila [ o nauudyugan at sinasamantala ng mga matatandang kolokoy] na gumawa ng kalokohan. Marami sa kanila ang ginagawang “runner” o tagahatid ng droga, mga mandurukot, magnanakaw, at ang iba pa nga eh nanggagahasa na.
Ang problengma ito ang isa sa mga dahilan kaya may mga mambabatas na nais baguhin ang batas at ibaba ang edad ng mga kabataan na puwedeng habulin ng batas, makasuhan at maipakulong. Kung menor de edad kasi ang nasangkot sa krimen, aba’y sa social welfare department lang ang bagsak nila.
At dalawang bagay lang ang maaaring mangyari kapag nakalabas na sila ng DSWD– makapag-isip at magbago, o lalong maging luko-luko dahil nakita niya na maaari niyang malusutan ang batas.
Pero hindi lang sa usapin ng pagkakasangkot sa krimen ang problema ng bansa tungkol sa mga kabataan natin ngayon. Kasama na rin din ang pagiging “mapusok” nila kaya dumadami ang mga kabataang nabubuntis nang hindi handa, lalo na iyong mga nasa pamilya na dalawang kahig-isang tuka.
Ang resulta kapag ganyan, dumadami ang populasyon, dumadami ang mahirap, dumadami ang ‘di nakapag-aral, at dumadami ang kumakapit sa patalim at napapasok sa mga kalokohan. bato at ipinukpok sa ating sariling mga ulo. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)