Marami ang pumalakpak na may kasama pang hiyaw nang maibalita na pinirmahan ni Pangulong Digong Duterte ang batas na magkakaloob ng libreng matrikula sa state universities and colleges (SUCs).
Pero sa totoo lang, dapat pangmahinhin lang muna ang ginawang palakpak. Bakit? Kahit ang pangulo ay aminado na pinirmahan lang niya ang naturang batas dahil nandoon na iyon kahit alam niya na wala pang pondo.
Matatandaan na bago ang ginawang pagpirma sa batas, nagpahayag dito ng pagtutol ang mga economic manager dahil malaki raw ang kakailanganing pondo.
Dahil kasama naman daw sa hangarin ng pangulo ang edukasyon, pinirmahan niya ang batas kahit tutol ang kaniyang mga alipores.
Aba’y magandang hakbang din naman iyon sa panig ng pangulo dahil magiging kontrabida siya sa mata ng mga estudyante at mga magulang kapag hindi niya iyon pinirmahan, o kaya ay pinatay niya sa pamamagitan ng pag-“veto.”
At ngayon pinirmahan na niya ang batas, ang mga mambabatas na ngayon ang bahalang sumakit ng ulo kung saan sila maghahanap ng pagkukunan ng pondo para mabigyan ng libreng matrikula ang mga mag-aaral sa SUCs na makapapasa sa pagsusulit na ibibigay.
Sa pagtaya ng economic managers ng pamahalaan, sinasabing aabot daw sa P100 bilyon ang kakailanganing pondo para maipatupad ito. Pero hindi kumbinsido rito ang mga mambabatas na naniniwalang aabutin lang ng P16 bilyon ang taunang pondo na kakailangan.
Pero sa totoo lang, hindi na dapat ikagulat kung mapabilang ang free tuition bill sa mahabang listahan ng mga ipinasang batas na hindi naipatutupad dahil sa kawalan ng pondo.
Nagkakaroon kasi ng batuhan ng sisi at tanong kung Ehekutibo ba o ang Lehislatura ang dapat nagtatakda ng pagkukunan ng pondo para sa mga batas na kanilang ginagawa, lalo na kung may malaking gastusin.
Kung si Senador Ping Lacson ang tatanungin, may nakikita na siyang madaling pagkukunan ng pondo para sa free tuition law— ang “pork barrel” daw ng ilang mambabatas na nakatago sa 2018 budget. May mga napansin ang senador na ilang kongresista na nakapagsingit ng P5 bilyon na “pork.”
Aba’y kung may tatlo (3) at apat (4) na kongresista na may nakatagong tig-P5 bilyon na “pork funds” sa budget at maililipat sa free tuition law, puwedeng pumapakpak nang malakas. Take note: matinik na pulis at imbistigador si senator Ping.
Pero kung magagawa rin ang “IRR” o regulasyon kung papaano ipatutupad ang batas na dapat ay deserving gaya ng mga mahihirap pero masisipag na mag-aral ang prayoridad, puwede na ngayong samahan ng hiyawan ang palakpak.
Tama nga naman si senador Ping na hindi naman dapat lahat ay makinabang sa libreng tuition dahil baka abusuhin ito ng mga bolakbol at iskul bukol sa pag-aaral na tipong limang (5) taon na sa kolehiyo, eh first year pa rin pero pumapasa sa exam para makakuha ng free tuition.
{googleads center}
Kaya naman dapat maging malinaw ang patakaran kung sino ang mga dapat mabigyan ng tulong sa batas na ito.
Maliban kasi sa itatakdang exam, dapat sigurong maging basehan din ang kalagayan ng buhay ng isang mag-aaral lalo na ang mga mahihirap para awtomatikong makakuha ng free tuition kahit hindi na siya kumuha ng pagsusulit. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)