Tingnan nyo nga naman, sa kinakaharap na pagsubok ngayon ng mga lehitimong organisasyon ng media laban sa nagkalat ng fake news sa social media, aba’y isang news agency na konektado pa man din sa gobyerno ang hindi lang isa, hindi lang dalawa, kung hindi ilang beses nang nagkasabit-sabit sa mga ibinabalita nila.
Kamakailan lang kasi, pinagpistahan ng mga alertong netizen ang istoryang ipinost ng Palpak, este, Philippine News Agency, tungkol sa patakaran sa sahod na ipinalabas ng Department of Labor (DOLE) para sa pista opisyal o holidays sa susunod na taon.
Wala namang problema sa istorya na ipinost ng PNA, ang sumabit ay ang larawan na ginamit nila para sa “logo” ng DOLE.
Sa halip na kasi na logo ng labor department, aba’y logo ng kompanyang “Dole” na kilala sa kanilang pinya o pineapple ang ginamit.
Baka naman sabihin ng isang dating bold star con entertainer, eh “symbolism” lang ang ginawa ng PNA. Bumenta na po iyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sumabit nang bigtime ang PNA sa larawan na ginamit nila sa istorya. Ilang linggo pa lang ang lumilipas nang maglabas din sila ng artikulo tungkol sa Marawi siege at ang ginamit nilang larawan… sundalo na nasa “Vietnam war.”
Naturingan “newswire” ang kanilang serbisyo pero wala ba silang photographer o kahit man lang mahihiraman ng litrato ng mga bayani nating sundalo na nakikipagpatayan sa Marawi para mabawi ang lungsod sa mga terorista.
Aba’y bakit kailangan pa nilang gumamit ng napakalumang litrato ng “Vietnam war”?
Tungkol sa DOLE logo, hindi naman mahirap na humanap ng talagang logo ng DOLE dahil ang kailangan lang gawin ay bisitahan ang website ng ahensiya.
Ang tanong ngayon, anyare? Tinamad kaya ang tao nila? may nanabotahe kaya? O talaga lang na ….? [kayo na ang mag-isip].
Bukod sa litrato, ilang beses na rin sumabit sa kanilang artikulo ang PNA.
Isa na rito ang paggamit nila sa nilathalang komentaryo ng news agency ng China na Xinhua, na bumanat sa arbitration ruling na pumabor sa Pilipinas sa inihain nating reklamo sa pang-aagaw ng mga Tsino sa West Philippine Sea.
Puna ng mga nakakita sa artikulo, aba’y naging news agency na rin ba ng China ang PNA?
But wait there’s more, naglabas din sila noong artikulo tungkol sa extra-judicial killings na nangyayari umano sa Pilipinas, at sinabi ng PNA sa kanilang istorya na “95 bansa sa Universal Period Review ng UN Human Rights Council” ang naniniwala raw na walang EJK sa bansa.
Ang kaso, nakarating sa UN Human Rights Council ang artikulo at nag-tweet sila para pasinungalingan ang istorya.
Ang nangyari, inalis nila ang ipinost na artikulo gaya ng ginawa nila sa istoryang kinampihan nila ang China.
Kaya ngayon, dapat lalo pang maging maingat sa mga binabasang mga balitang nakikita sa social o mainstream media at baka hindi lang nagkamali o peke ang balita, kung hindi sadyang nilalagyan ng maling impormasyon.
At sa PNA, malamang natutuwa rin sila sa mga sablay nilang ginawa dahil nakikita nilang may nagbabasa na sa kanila.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)
{googleads center}