Sadyang mahilig talaga mga tsong ang Pinoy sa kanin. Ito’y kahit pa may hindi magandang epekto sa kalusugan ng tao ang sobrang tsibog nito. Kaya naman hindi kataka-taka na kapag bigas ang pinag-usapan, talagang pag-uusapan.
Tulad na lang ng pagpuna ni senador Cynthia Villar sa “unlimited rice” promo sa mga kainan na pinutakti ng meme at batikos sa social media nang mapaulat na gusto raw nitong ipagbawal. Kasi nga naman, ang sobrang kain ng kanin ay maaaring magdulot ng karamdaman.
Kaya nga kung high blood ang isang tao o overweight, laging kasama sa payo ng duktor na magbawas sa kain ng kanin. Gayunman, kailangan pa rin naman ng tao ang kanin dahil pinagkukunan ito ng enerhiya.
Maganda naman sa kung tutuusin ang intensyon ng mambabatas pero iyon nga lang, tila nakalimutan niya na mas maraming Pinoy ang kumakalam ang tiyan at nakikinabang sa unli-rice promo ng ilang kainan.
Ngunit kung sadyang desidido ang mambabatas na mapabuti ang kalusugan ng mga Pinoy, dapat na gumawa siya ng paraan o batas para maging abot kaya ang magandang pamalit sa “white rice” — ang “brown rice” o kaya ang “corn rice,” na mas makabubuti sa kalusugan pero mas mahal nga lang ang halaga.
Sabagay, kahit ang commercial rice na pagkaputi ng kulay ay mahal na rin naman kaya nagtitiyaga ang mga ordinasyong anak ng bayan sa maliit na butil at kung minsan ay mabato pang NFA rice, na kailangang pilian.
Ang masaklap nito mga tsong, kahit ang NFA rice ay maubos na raw ang pangsaing kaya kailangan nilang mag-angkat ng bigas muli sa ibang bansa. Sa harap ito nang magulo nilang bangayan noon kung dapat ba o hindi na mag-angkat ng bigas na naging dahilan pa ng pagkakasibak ng isang mataas na opisyal.
At nang mapaulat na nauubos na raw ang bigas na reserba ng NFA sa kanilang mga bodega, doon na naging malinaw na kailangan na talagang mag-angkat ng bigas. Sa 500,000 na metriko toneladang bigas na inaprubahan ng Food Security Committee noong nakaraang taon para angkatin, kalahati pa lang nito ang sinasabing nai-award na sa pamamagitan ng government to government program.
Ang malungkot nga lang, kumukuha ang ating bansa ng bigas sa bansang sa atin lang natututo ng teknolohiya sa pagtatanim—ang Vietnam. Malamang ang tanong ng ating kurimaw, ‘Anyare sa Pilipinas?’
Sa nakalipas na ilang administrasyon, tinangkang isulong ang iba’t ibang programa para maging self-sufficient o kayanin ng bansa na tustusan ang pangangailangan ng mga Pinoy sa bigas para hindi na tayo umangkat.
Pero marami rin namang kadahilanan kaya hindi ito magawa ng pamahalaan tulad ng madalas na bagyo na sumisira sa mga taniman, maraming sakahan ang nawawala dahil ginagamit na sa ibang bagay, mahal na gastos sa pagtatanim tulad sa abono at patubig, at mabilis na paglaki ng populasyon o pagdami ng bibig na susubuan ng kanin.
Hanggat hindi natutugunan ang mga ganitong problema, masasabi lang natin na pagdating sa pangarap nating maging rice-sufficient, aba’y “marami pa tayong kakaining bigas.” Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)