Maigting na pagpapatupad ng Solid Waste Management (SWM) ang nakikitang solusyon ng lokal na pamahalaan ng Romblon sa problema ng basura sa nasasakupan nitong mga barangay.
Ayon kay Emma Balabat, SWM consultant, magiging mas maayos ang Waste Management kung isasakatuparan ng mga barangay officials ang solid waste management act sa kani-kanilang barangay.
Sinabi ni Balabat na nakasaad sa Solid Waste Management Act o R.A. 9003 na dapat ay sinisiguro ng bawat barangay ang mga basura sa kanilang lugar na pwede pang i-recycle ay ma i-recycle at ang mga natitirang basura ay mai-segregate ng mabuti.
Dapat din aniya na magsagawa ang bawat barangay ng kani-kanilang Material Recovery Facility (MRF) upang maisaayos ang mga basura sa bawat bahay ng mga residente.
Hindi na rin magiging pahirapan ang koleksiyon sa mga basura kung nakahiwalay sa mga nabubulok at hindi nabubulok na mga ito bago kolektahin ng umiikot na dump truck araw-araw.
Kapansin pansin aniya na hindi pa rin sumusunod ang ilang residente sa ipinapatupad na Segregation Policy ng pamahalaang bayan.
Tiwala naman si Balabat na malaki ang mababawas na itinatapon na basura sa sanitary landfill kung seseryosohin ng publiko ang pagtupad sa segregation policy.