Tumatanggap na ang Romblon Police Provincial Office (RPPO) ng mga aplikante na gustong maging pulis sa lalawigan.
Ayon sa pamunuan ng PNP-Romblon, ang mga nais na mag-aplay sa pagpupulis ay kinakailangang magdala ng mga dokumento tulad ng kanilang bio-data, birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), transcript of records at diploma.
Kailangan pumasa ang isang aplikante sa psychiatric at psychological, drug at physical test sa kahit alinmang PNP-Napolcom accredited hospital, college graduate, walang masamang record o kaso sa pulisya, military at ibang sangay ng gobyerno. Ang aplikante ay dapat nasa edad 20-30 anyos. Kailangan ding nakatapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo at may Civil Service Eligibility o pasado sa National Police Commission (Napolcom).
Dapat ding maisumite ang iba pang mga supporting documents tulad ng Barangay clearance, Local Police clearance, Municipal Trial Court at Regional Trial Court clearance at NBI clearance. Ang aplikasyon ay bukas hanggang sa Setyembre 1.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa mga Municipal Police Station sa inyong lugar o magsadya ng personal sa Admin Office ng RPPO na matatagpuan sa Brgy. Capaclan, Romblon, Romblon.