Ilang may account sa Philippine National Bank (PNB) Romblon Branch ang nagrereklamo na matapos na umanoy mabawasan ng laman o cash ang kanilang mga ATM Cards na aabot sa mahigit P40,000 hanggang P270,000.
Ayon sa isang residente ng bayan ng Romblon, Romblon nawalan umano siya ng aabot sa P46,000.
Maari umanong mudos ito ng mga international card skimmers dahil ang kanilang mga atm umano ay nabawasan hindi sa pamamagitan ng pag-withdraw sa ATM Machine kundi nabawasan dahil ginamit na pangbayad sa online shopping stores.
Naghain na rin umano sila ng reklamo sa Police Station at may sinagutan ng form sa opisina ng PNB Romblon para mabalik ang nawalang pera.
Si Romblon News San Fernando Correspondent, Joseph Gutierrez, sinabi ring nitong nakaraang buwan ay nagkaproblema rin ang kanyang ATM Card.
Sa kwento ni Gutierrez sa Romblon News Network, sinabi nitong nasa Manila umano siya at mag-withdraw sana sa isang atm machine roon ngunit nagtaka siya dahil ayaw gumana ang kanyang ATM Card.
Agad umanong tinawagan ng lalaki ang PNB Romblon branch upang magtanong at sinabi sa kanyang pumunta sa opisina ng PNB sa Romblon, Romblon.
Paliwanag sakanya ng management ng PNB Romblon Branch, nagkaroon umano ng problema ang kanilang mga atm card kaya binigyan siya ng bago at pina-enter ng bagong pin. Ilang kasama niya rin sa San Fernando ang nakaranas rin ng parehong sitwasyon at nagpalit na ring ng ATM Card.
Sinubukang tawagan ng Romblon News Network si Miss Betty Mindoro, Manager ng PNB Romblon Branch ngunit hindi niya sinasagot ang aming tawag at text.