Sinimulan nang ipamahagi ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ang 28,000 seedlings ng mangga sa mga magsasaka at mga indibidwal na may nakatiwangwang na lupain sa mga munisipyong sakop ng Romblon.
Layunin ng ng pamahalaang panlalawigan na ipagpapatuloy ang mga programa at proyektong makakatulong na mapalakas ang produksyon ng high value crops sa sa buong lalawigan.
Ang variety ng mangga na ipinamamahagi ay kinalabaw at mas maraming seedlings ang ipagkakaloob sa mga bayan na nasalanta ng nagdaanng bagyo upang mapanumbalik ang pagiging luntian ng kanilang bukirin.
Sinabi ni Relly Diokno, Acting Provincial Agriculturist, na ang Pilipinas ang isa sa kilalang sources ng mangga kung saan kalakhan sa iniluluwas ay galing sa islang probinsya ng Guimaras at ini-export naman sa Japan, Hongkong, Australia, U.S. at Europe.
Ang mangga ay isang tropical fruit kaya angkop umano ito sa lupa ng probinsiya at isa itong bungang-kahoy na nabubuhay sa mga lugar na ang klima ay mainit o maligamgam kung kaya hindi nakapagtatakang mabilis ang paglago nito sa Romblon.
Ang tulong aniya ay hango mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture kung saan taon-taon ay naglalaan ng pondo ang provincial government para sa programang ito.