by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Tuesday, 05 July 2016
Layuning mabigyan ng kabuhayan ang mga maliliit na mangingisda, ang Office of the Municipal Agriculturist ay nakatakdang magbigay ng 25 yunit ng Payao sa mga coastal barangays sa bayan ng Romblon.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng lokal na pamahalaan ng P500,000 upang makapaglagay ng fish-aggregating device sa karagatang sakop nito para mapamingwitan ng marginalized fishermen.
Ang Payao ay fishing device na tumutulong sa mga mangingisdang mapadali at maparami ang kanilang huli dahil ito ang nagsisilbing tirahan at pangitlogan ng mga isda.
Dito madalas nakatira ang maliliit na isda na siyang kinakain ng malalaking isda kaya inaasahan na kapag dumami na ang mga isdang sumisilong at nanginginain dito ay tiyak na aangat ang huli ng mga mangingisda.
Inatasan naman ng lokal na pamahalaan ang mga miyembro ng Bantay Dagat sa bawat barangay na kanilang pangalagaan at bantayang mabuti ang mga payao upang hindi ito lapastanganin ng mga ilegal na mangingisda.