by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 13 June 2016
Bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan, ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Romblon ay nagsagawa kamakailan ng inspeksyon sa mga pampublikong eskwelahan.
Ito ay upang matiyak na maayos ang mga linya ng kuryente, masigurong ligtas ang mga silid aralan sa anumang insidente ng sunog lalo pa’t malapit na muli ang pagbubukas ng klase.
Ang pag-inspeksyon sa mga paaralan ay isinabay na rin sa pakikilahok ng BFP sa Brigada Eskwela sa mga paaralan para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyanteng papasok dito sa Lunes.
Nakapagsagawa na rin ang mga ito ng inspection sa mga boarding house na karaniwang inuupahan ng mga estudyante pag nagsimula na ang kanilang klase.
Kabilang sa mga hinanap ng BFP at tiningnan ay mga emergency lights, kung kumpleto ng fire fighting gadgets ang hose cabinet, kung walang harang sa mga fire exits at isa ring tinitingnan ng mga tauhan ng pamatay sunog ang fire detection and alarm system ng gusali.
Ayon sa pamunuan ng BFP, minimal lamang ang mga nakitang paglabag ng mga boarding house sa Fire code of the Philippines dahil halos lahat naman ay nakapag-comply sa mga rekomendasyon na kanilang ibinigay noong unang magsagawa sila ng inspeksyon.
Muling nagpaalala ang tanggapan ng Provincial Fire Marshal sa may-ari ng mga boarding house na sumailalim sa inspeksiyon na ugaliing tumupad sa Building Code at sa mga requirement para hindi makasuhan at hindi maipasara ang kanilang negosyo.