by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 13 June 2016
Pinangunahan ng mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA) Regional Office 4B at Philippine Carabao Center (PCC) ang pagsasagawa ng artificial insemination sa mga inaalagaang baka sa bayan ng Romblon.
Layunin ng programang ito na mapadami ang malalaking lahi ng brahman sa nabanggit na bayan kung saan dalawang araw nila itong isasagawa sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Veterinarian at Office of the Municipal Agriculturist.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Paul Minaño, ang artificial insemination ang magandang paraan upang madaling magbuntis ang inahin o dumalagang baka at mabilis na dumami ang populasyon nito.
Libre aniya ang pregnancy diagnosis na kanilang ginagawa at maging ang artificial insemination na kanilang ibinibigay sa mga bakang inaalagaan ng mga taga-Romblon.
Umabot sa 28 na baka ang nabigyan ng libreng artificial insemination ng mga kawani ng DA at PCC kung saan kailangan namang maghintay ng siyam na buwan ang mga nagmamay-ari nito upang makapanganak ang kanilang alaga.