Walang naitalang nasawi sa Romblon matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong noong Biyernes, Setyembre 26, ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office.
Unang tumama ang bagyo sa bayan ng San Fernando, Sibuyan Island pasado alas-siyete ng umaga, kung saan naranasan ang malalakas na hangin, pagtaob ng mga puno, at dambuhalang alon. Sa Tablas Island, kabilang ang bayan ng Odiongan, nagdulot din ito ng pagbaha, pagkatumba ng mga poste ng kuryente, at malawakang pagkawala ng suplay ng elektrisidad.
Ayon sa Romblon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 2,664 pamilya o 8,965 indibidwal ang inilikas mula sa mga baybaying barangay na nanganganib sa storm surge. Naitala rin ang dalawang nasugatan habang patuloy na hinahanap ang isang mangingisdang nawawala.
Samantala, 362 pasahero ang na-stranded matapos kanselahin ang mga biyahe sa dagat dahil sa masungit na panahon. Nagsagawa ng agarang rescue at evacuation operations ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police.
Nagdulot din ng pinsala ang bagyo sa mga kabahayan, sakahan, at mga bangkang-pangisda. Nagsimula na ang pamamahagi ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na may nakahandang higit 17,000 family food packs para sa mga apektadong residente.
Nagkaroon ng blackout sa malaking bahagi ng lalawigan matapos bumagsak ang mga puno at linya ng kuryente, ayon sa ROMELCO at TIELCO. Bahagi ng suplay ng kuryente ay naibalik sa mga bayan ng Odiongan, Cajidiocan, at San Fernando pagsapit ng Biyernes ng gabi.
Dalawang landfall ang ginawa ni Bagyong Opong sa lalawigan—una sa San Fernando, Sibuyan Island, at kasunod sa Alcantara, Tablas Island.
Discussion about this post