Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa Department of Agriculture (DA) na busisiin ang naantalang pamamahagi ng fertilizer subsidies, sa gitna ng mga ulat na posibleng may naganap na “ghost deliveries” sa ilang lalawigan kabilang na sa MIMAROPA.
Ayon kay SINAG chairperson Rosendo So, hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga magsasaka sa Ilocos, Cagayan Valley, at Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang subsidiya na dapat ay naipamahagi pa noong Hunyo, kasabay ng pagsisimula ng pagtatanim.
“May mga ‘ghost deliveries’ ba ng fertilizer subsidies dito?” tanong ni So sa pagdinig ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform nitong Miyerkules.
Ipinunto ni So na natapos na ang mga kontrata para sa pagbili ng fertilizer noong Mayo pa, kaya’t dapat ay madali na lamang ang pamamahagi nito. Ngunit ngayong patapos na ang Agosto, wala pa ring natatanggap na subsidiya ang ilang magsasaka, dahilan para madagdagan ang kanilang pag-aalala.
Dagdag pa niya, lalong pinalala ng pagkaantala ang sitwasyon ng mga magsasaka na hanggang ngayon ay bumabangon pa mula sa pinsala ng sunod-sunod na bagyo at humaharap din sa mababang presyo ng palay.
“Hindi gaya ngayong taon, noong nakaraang taon ay naipamahagi ang subsidyya sa tamang panahon at nakatulong pa dahil mataas noon ang farmgate prices,” wika ni So.


































