Sinampahan ng kasong murder ang 46-anyos na security guard na suspek sa pagpatay na ikinasawi ng kapwa security guard sa Romblon State University (RSU) sa Barangay Poblacion, San Andres, Romblon noong October 14, 2026.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office, isinampa ang kaso noong October 15 sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Office of the Provincial Prosecutor sa Odiongan, Romblon.
Ang suspek ay residente ng Sitio Busay, Barangay Poblacion, San Andres, habang ang 41-anyos na biktima, na isa ring security guard, ay residente naman ng Sitio Culis sa Barangay Calunacon.
Batay sa medico-legal findings, nagtamo ang biktima ng 15 sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Humingi ng tulong ang San Andres Municipal Police Station (MPS) sa Provincial Forensic Unit–Scene of the Crime Operations (SOCO) upang suriin ang nakuhang itak, partikular ang mga bahid ng dugo rito, at ihambing ang mga ito sa mga sample na kinuha mula sa biktima. Sumailalim din sa pagsusuri ang suspek bilang bahagi ng imbestigasyon.
Isinagawa ng mga imbestigador ang mga kinakailangang forensic procedure at isinasaalang-alang ang mga nakalap na pisikal na ebidensiya at pahayag ng mga saksi.


























