Naghahanda ang National Irrigation Administration (NIA) sa Romblon sa posibleng epekto ng Very Strong El Niño sa humigit-kumulang 500 ektaryang sakahan na natukoy na vulnerable sa kakulangan ng tubig-irigasyon.
Ayon kay Engr. Edgard Laurenz M. Geronimo ng NIA, karamihan sa mga vulnerable area ay nasa Tablas Island, kung saan mas tututukan ang monitoring upang matukoy agad ang pagbaba ng antas ng tubig at ang pangangailangan ng mga magsasaka sa interbensyon.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon noong October 15, sinabi ni Geronimo na wala pang naiuulat na sitwasyon sa Romblon na nangangailangan ng agarang tulong o interbensyon dahil sa El Niño.
Ibinahagi nito na bilang paghahanda, mayroon nang El Niño task force ang NIA sa MIMAROPA na binubuo ng mga system head at operation head mula sa mga probinsya. Tungkulin nitong magsumite ng situational report sa regional office tungkol sa pagbaba ng antas ng tubig at mga palatandaan ng tagtuyot.
Bilang bahagi rin ng paghahanda, nagsagawa rin ang NIA ng technical meeting sa Odiongan noong unang linggo ng Oktubre na dinaluhan ng humigit-kumulang 45 pangulo at opisyal ng mga irrigators association upang talakayin ang posibleng epekto ng El Niño at mga hakbang na maaaring gawin.
Ayon sa NIA, kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang paggamit ng mas maikling maturity na barayti ng palay at pagsasaayos ng iskedyul ng pagtatanim habang may sapat pang tubig.
Hinikayat din ng ahensya ang mga magsasaka na makipagtulungan sa mga irrigators association at sundin ang mga hakbang sa pagtitipid ng tubig upang mapakinabangan ang natitirang suplay sa panahon ng posibleng tagtuyot.






















