Ber months na. Karaniwan, dito na natin inaabangan ang unti-unting lamig ng hangin habang papalapit ang Pasko. Pero ngayong may El Niño, maaaring hindi natin maramdaman nang husto ang lamig na nakasanayan natin. Kasabay nito ang mas seryosong dapat paghandaan: ang posibilidad ng mas kaunting ulan at mas mahabang tuyong panahon sa mga susunod na buwan.
Sa Romblon, sanay tayong tumingin sa langit. Alam ng magsasaka kung kailan matagal nang walang ulan. Napapansin ng mga pamilya kapag humihina ang bukal, and daloy ng ilog at patak ng tubig sa gripo. Sa mga barangay, kabisado kung aling mga sitio ang unang nahihirapan sa tubig kapag humahaba ang tag-init. Ngayon, may malinaw nang babala mula sa PAGASA.
Ang El Niño ay ang mainit na yugto ng El Niño-Southern Oscillation o ENSO. Nagsisimula ito sa malawak na bahagi ng central at eastern equatorial Pacific kung saan nagiging mas mainit kaysa karaniwan ang temperatura sa ibabaw ng dagat. Binabago ng pag-init na ito ang galaw ng hangin at pagbuo ng ulan sa tropical Pacific. Dahil konektado ang karagatan at atmospera, ang pagbabagong nangyayari libu-libong kilometro mula sa atin ay umaabot ang epekto hanggang Pilipinas.
Isa sa mga karaniwang epekto nito sa ating bansa ang mas mataas na posibilidad ng below-normal rainfall. Hindi ibig sabihin na titigil ang ulan. Maaari pa ring magkaroon ng thunderstorms, habagat, low-pressure areas at mga bagyo. Ang nagbabago ay ang dami, dalas at distribusyon ng ulan sa loob ng mas mahabang panahon. Kapag kulang ang ulan sa magkakasunod na buwan, doon nagsisimulang maramdaman ang dry condition, dry spell at kalaunan ay drought.
Noong Setyembre 23, 2026, iniulat ng PAGASA na strong El Niño na ang umiiral sa tropical Pacific at maaari pa itong lumakas tungo sa very strong El Niño. Inaasahang magpapatuloy ang kondisyon hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Mas malinaw ang babala kapag tiningnan ang projection para sa MIMAROPA, kung saan kabilang ang Romblon. Batay sa PAGASA outlook na ginagamit ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, ang buong rehiyon ay may potential for dry condition sa pagtatapos ng Oktubre 2026. Maaari itong umabot sa potential for dry spell sa Nobyembre at Disyembre, at potential for drought mula Enero hanggang Marso 2027.
Projection ito, hindi katiyakan na pare-pareho ang mangyayari sa bawat bayan. Nakadepende pa rin ang aktuwal na kondisyon sa ulan na matatanggap natin, mga bagyong daraan, kalagayan ng watershed at dami ng tubig na ginagamit ng mga komunidad. Pero malinaw ang direksiyon ng babala: habang papasok tayo sa 2027, tumataas ang panganib ng kakulangan sa tubig.
Kaya kahit umulan nang malakas sa isang hapon, hindi agad nangangahulugang sapat na ang tubig sa ating mga bukal, ilog at watershed. Mas dapat nating tingnan kung gaano karaming ulan ang naipon sa loob ng maraming linggo at buwan. Ang isang malakas na thunderstorm ay maaaring magpaapaw ng kanal at magdulot pa ng baha, pero hindi nito agad napapalitan ang matagal na kakulangan sa ulan.
Sariwa pa ang karanasan natin noong 2024. Tinamaan ng El Niño ang agrikultura at kabuhayan sa Romblon. May mga lugar na umabot sa deklarasyon ng state of calamity, habang kinailangang magbigay ang pamahalaan ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda at pamilyang naapektuhan. Pagsapit ng Hulyo 2024, iniulat na umabot sa humigit-kumulang ₱162 milyon ang financial assistance, services, loans at subsidies na naipamahagi sa lalawigan.
May aral na tayo mula roon. Mas mahirap at mas magastos humabol kapag malala na ang kondisyon. Ngayon, mas maaga ang babala at may panahon tayong kumilos bago bumaba nang husto ang suplay ng tubig.
Maaaring simulan ng probinsya at mga munisipyo ang regular na monitoring ng mga bukal, ilog, communal water systems, mabababaw na balon at small impounding facilities. Alam ng maraming komunidad kung aling bukal at ilog ang unang humihina at kung saan mabilis maubos ang supply. Maaari itong gawing mas sytematic: sukatin ang daloy at water level, tukuyin ang mga barangay na maliit ang storage, hanapin ang malalaking tagas, at ihanda ang alternatibong mapagkukunan bago pa kailanganin ang emergency water delivery.
Sa agrikultura, dapat makarating ang seasonal forecast sa magsasaka habang may panahon pa siyang magdesisyon. Kailan magandang magtanim? Anong pananim ang mas kayang mabuhay sa kaunting tubig? Sapat ba ang irrigation hanggang anihan? May available bang drought-tolerant varieties at crop insurance? Mas kapaki-pakinabang ang weather information kapag naisasalin ito sa desisyong ginagawa mismo sa bukid.
Malaki rin ang papel ng ating mga watershed. Sa isang island province tulad ng Romblon, maliit ang mga catchment at limitado ang reserba. Ang kagubatan, lupa at vegetation ay tumutulong na humawak ng ulan at unti-unting maglabas ng tubig patungo sa mga bukal at ilog. Kapag degraded ang watershed, mas mabilis humihina ang daloy kapag kakaunti ang ulan.
Kaya may direktang koneksiyon ang pangangalaga sa mga watershed ng Sibuyan, Tablas, Romblon Island at iba pang isla sa tubig na ginagamit natin araw-araw. Ang kagubatan sa kabundukan at tubig na lumalabas sa gripo sa ibaba ay hindi magkahiwalay na kuwento.
Sa Sibuyan, may isa pang dahilan para bantayang mabuti ang pagbabago sa ulan at daloy ng mga ilog. Umaasa rin sa tubig ang mga mini-hydropower facilities na nagsusuplay ng kuryente sa isla. Kapag humaba ang dry spell at bumaba ang river discharge, maaaring lumiit ang kakayahan nilang makapag-generate ng kuryente, lalo na sa mga panahong tumataas naman ang demand dahil sa init. Kaya ang pangangalaga sa watershed ay may direktang kaugnayan sa suplay ng tubig, agrikultura, at katatagan ng kuryente sa Sibuyan.
May mas malinaw na policy direction na rin ngayon para sa rainwater harvesting. Bukod sa Republic Act No. 6716, na matagal nang nag-uutos sa pagtatayo ng rainwater collectors at iba pang water sources sa mga barangay, pinalakas pa ng DPWH noong 2025 ang pagpili ng mga lugar na dapat unahin batay sa climate risk, El Niño exposure, kakulangan sa tubig at projected rainfall. Sa ilalim naman ng Republic Act No. 12314 of 2026, dapat magkaroon ng rainwater collection systems sa public markets, school sites at government buildings and sites bilang climate-adaptation measure. Para sa Romblon, may malinaw nang batayan para gawing mas systematic ang rainwater collection bago pa lumala ang tagtuyot
Marami ring praktikal na magagawa sa barangay habang may panahon pa: ayusin ang mga sirang tangke at linya ng tubig, bawasan ang tagas sa communal systems, protektahan ang mga bukal, dagdagan ang rainwater harvesting at tukuyin ang alternative water sources. Dapat alam din ng mga paaralan, health centers at iba pang essential facilities kung saan sila kukuha ng tubig kapag humina ang regular na supply.
Makatutulong din kung may malinaw na trigger points ang pamahalaan. Kapag tuloy-tuloy nang bumababa ang rainfall, humihina ang daloy ng mga bukal o nakikita na ang stress sa mga pananim, dapat nakahanda na ang susunod na hakbang ng agriculture, DRRM, health, social welfare at mga namamahala sa water systems. Sa MIMAROPA, nakabuo na rin ang Regional DRRM Council ng Regional El Niño Task Force para pag-ugnayin ang monitoring at paghahanda sa water security, food security, health, energy at iba pang sektor.
May isa pang dapat tandaan. Kahit may El Niño, maaari pa rin tayong makaranas ng malakas na ulan, baha, landslide at bagyo. Ang isang tuyong buwan ay maaaring sundan ng ilang araw na napakalakas naman ng ulan. Ganito na kakomplikado ang climate risk sa mga isla: kailangang paghandaan ang kakulangan ng tubig habang handa rin sa biglaang pagdami nito.
Dito pumapasok ang mas maayos na pamamahala sa tubig. Mag-ipon habang may ulan. Ayusin ang mga tagas. Protektahan ang bukal. Alagaan ang watershed. Gumamit nang mas matipid sa panahon ng kakulangan. At higit sa lahat, gamitin ang forecast habang may oras pa itong makatulong sa ating mga desisyon.
Pagsapit ng unang bahagi ng 2027, hindi sa mga report lamang makikita kung nakapaghanda tayo. Makikita iyon sa bukal na patuloy na umaagos, sa sakahang nakapag-adjust ng tanim, sa barangay na may sapat na imbakan, at sa paaralan o health center na may nakahandang suplay ng tubig.
Naranasan na natin ang El Niño noong 2024. Ngayon, may mas maagang babala at mas malinaw na projection kung saan maaaring patungo ang mga susunod na buwan.
Ber months pa lamang. Huwag nating hintaying dumating ang tagtuyot bago tayo maghanda.
____
Rodne R. Galicha is National Convener of Aksyon Klima Pilipinas, the Philippines’ leading and largest civil society coordination network for climate action.
























