Arestado sa Cabuyao City, Laguna ang itinuturing na Rank No. 1 Provincial at Municipal Most Wanted Person ng Romblon sa magkasanib na operasyon ng pulisya noong October 14.
Pinangunahan ng Concepcion Municipal Police Station, sa ilalim ni PLT Reynaldo Ebora Jr., officer-in-charge, ang operasyon katuwang ang Santa Rosa Component City Police Station at Santa Fe MPS.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 41 sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, kaugnay ng dalawang bilang ng kasong may kinalaman sa panggagahasa sa ilalim ng Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law, na inamyendahan ng RA 11648, kaugnay ng Section 5(b) ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong kinakaharap ng akusado.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa kustodiya ng Santa Rosa Component City Police Station para sa dokumentasyon bago ang kaukulang proseso sa korte na naglabas ng warrant.
Pinuri ni PCOL Rexton Sawi, provincial director ng Romblon Police Provincial Office (RPPO), ang mga operatiba dahil sa kanilang dedikasyon at propesyonalismo sa pagsasagawa ng operasyon.
Ayon sa RPPO, patuloy nilang paiigtingin ang pagtugis sa mga wanted person sa pamamagitan ng mas pinaigting na intelligence gathering at koordinasyon sa iba pang yunit ng pulisya.


























