Maaari nang mag-book online ng passenger tickets ang mga biyahero ng Montenegro Shipping Lines Inc. (MSLI) para sa apat na rutang nag-uugnay sa Batangas City at mga destinasyon sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Romblon.
Sa travel advisory na inilabas noong September 29, inanunsyo ng shipping company na bukas na ang online booking para sa mga biyahe sa pagitan ng Batangas City at Calapan City, Abra de Ilog, Puerto Galera at Odiongan, Romblon.
Maaaring magpareserba ng tiket sa opisyal na website ng kumpanya sa montenegrolines.com.ph. Maaari pa ring bumili ng tiket ang mga walk-in passenger sa mga ticketing counter.
Gayunman, nilinaw ng MSLI na hindi saklaw ng online booking o advance reservation ang mga sasakyan. Ang pagsakay ng mga ito ay mananatiling nakabatay sa first-come, first-served basis.
Nagpaalala rin ang kumpanya na magsasara ang online booking isang araw bago ang nakatakdang petsa ng biyahe.
Inaasahang makatutulong ang online booking upang mas madaling makakuha ng tiket ang mga pasaherong bibiyahe sa pagitan ng Batangas at mga pantalan sa Mindoro at Romblon.


























