Magpapatupad ang National Irrigation Administration (NIA) ng rotational water delivery sa mga sakahang sakop ng kanilang irrigation systems kung bumaba ang suplay ng tubig, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Very Strong El Niño.
Ayon kay Engr. Edgard Laurenz Geronimo, Principal Engineer C ng NIA MIMAROPA, sa halip na sabay-sabay na patubigan ang lahat ng kanal, paiikutin ang iskedyul ng paghahatid ng tubig upang matiyak na mapapakinabangan ng iba't ibang service area ang limitadong suplay.
“Ang una po naming ginagawa diyan, nagru-rotational water delivery kami,” paliwanag ni Geronimo.
Aniya, maaaring magtakda ng salit-salitang iskedyul ang ahensya, gaya ng pagbibigay ng tubig sa isang lugar sa isang araw at sa ibang lugar naman sa susunod na araw. Maaari ring magtakda ng oras ng patubig depende sa dami ng tubig na magagamit.
Layunin nitong mapanatili at ma-maximize ang paggamit ng tubig sa mga sakahan kung bumaba ang antas nito sa mga ilog at kanal.
Kasabay nito, nagsasagawa ang NIA ng pagkukumpuni sa mga irrigation system upang mapahusay ang distribusyon ng tubig at nagsasagawa rin ng desilting o paglilinis ng mga daluyan.
Mayroon nang loader backhoe at dump truck ang NIA sa Romblon para sa operasyon at maintenance ng mga irrigation system. Ayon sa ahensya, nagamit na ang mga kagamitang ito sa ilang desilting activity sa Sibuyan at Tablas.
Hinimok naman ng NIA ang mga magsasaka na makipagtulungan sa mga irrigators association at sundin ang mga iskedyul ng patubig upang maiwasan ang pag-aaksaya ng tubig at mapangalagaan ang kanilang mga pananim.






















