Inatasan ng Court of Appeals (CA) ang mga may-ari ng Philippine Span Asia Carrier Corporation (PSACC), na dating kilala bilang Sulpicio Lines Inc. (SLI), na magbayad ng humigit-kumulang ₱136.3 milyon sa pamilya ng mga biktima ng trahedyang pandagat na naganap halos dalawang dekada na ang nakalilipas at kumitil ng higit sa 800 katao.
Pinagtibay ng CA ang nauna nitong desisyon na nagpapakita ng matinding kapabayaan ng PSACC na naging dahilan ng paglubog ng Ro-Pax ferry na MV Princess of the Stars noong Hunyo 21, 2008 sa Sibuyan Sea, sa gitna ng masamang panahon.
Ayon sa mga awtoridad, umabot sa 814 ang kumpirmadong nasawi sa insidente habang higit 50 pa ang hindi kailanman nahanap sa kabila ng matagal na search and recovery operation na tumagal hanggang kalagitnaan ng 2010.
Kinasuhan ng CA ang mga may-ari ng PSACC na sina Enrique Go, Eusebio Go, Carlos Go, Victoriano Go, Dominador Go, Ricardo Go, Edward Go, at Edgar Go ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, damage to property, and serious physical injury.
Ang mga kasong ito ay isinampa matapos matuklasang pinayagang bumiyahe ang barko mula Maynila patungong probinsya sa kabila ng babala ng malakas na bagyong si Typhoon Fengshen (Frank), na may lakas ng hangin na hanggang 89 knots ayon sa mga lokal at dayuhang weather agency.
Bukod sa danyos sa mga pamilya ng nasawi, inatasan din ng CA ang kumpanya na magbayad ng ₱800,000 bawat isa sa apat na nakaligtas sa insidente mula sa kabuuang 56 survivors.
Itinaas ng mga may-ari ng SLI ang kaso sa CA at iginiit na hindi sila dapat managot dahil ang insidente ay nangyari diumano dahil sa isang “fortuitous event” o hindi inaasahang pangyayari.
Ngunit ayon sa korte, hindi maaring ikatwiran ng mga akusado ang ganitong depensa, at iginiit na sila ay labis na nagpabaya sa pamamahala ng kumpanya at nabigong gumawa ng agarang hakbang upang maiwasan ang trahedya.
Tinanggihan din ng CA ang alegasyon na may pagkukulang ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), at sinabing walang ebidensiyang sumusuporta sa ganitong pahayag.
Ang MV Princess of the Stars ay isa sa pinakamalalaking trahedyang pandagat sa kasaysayan ng bansa at patuloy na sumisimbolo sa pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon at pananagutan sa sektor ng maritime transport.


































