Hinimok ni Maria Josefa Punongbayan, Strategic Communication Officer ng Romblon State University, ang mga Public Information Officer (PIO) ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan sa lalawigan na paigtingin ang paggawa ng malinaw, tumpak, at responsableng public information.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Punongbayan ang kritikal na papel ng mga PIO bilang tulay ng impormasyon sa pagitan ng pamahalaan at publiko.
Sa panahon aniya na mabilis kumalat ang maling balita at nagiging mas sensitibo ang mga isyung may kinalaman sa data privacy, mas kinakailangan ang masusing pagsusuri bago maglabas ng anumang impormasyon.
Bahagi ng kanyang pagtuturo ang pagpapahalaga sa verification process bago mag-post o magpahayag sa social media at iba pang platform.
Ipinunto rin ni Punongbayan ang kahalagahan ng tamang approach sa mga isyung kailangang tugunan ng mga ahensya.
Ayon sa kanya, dapat palaging nakatuon ang mga PIO sa pagbuo ng mensaheng madaling maunawaan, hindi maligoy, at malinaw kung ano ang dapat malaman ng mamamayan.
Idinagdag niya na mahalaga ring isaalang-alang ang konteksto at epekto ng bawat pahayag upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.
Isa si Punongbayan sa mga naging tagapagsalita sa isinagawang Romblon Communicators Network Capacity Building na inorganisa ng Philippine Information Agency – Romblon katuwang ang Romblon State University na layong hasain ang kakayahan ng mga public information officers sa lalawigan.




































Discussion about this post