Handang bumaba sa puwesto bilang kinatawan ng lalawigan ng Romblon si Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona kung mapatunayan na walang nangyaring bidding sa mga flood control projects sa probinsya.
Ito ang naging pahayag ng kongresista sa programang Yan Tayo ng DZMM Teleradyo nitong Sabado, September 6.
“Kung meron silang ma-prove na walang bidding, magre-resign ako. Because I'm pretty sure, tutok ako na lahat ng mga proyekto ay dapat ibigay [sa tamang kontraktor],” ani Madrona.
“Totoo. [Magre-resign ako] basta may ghost project. I can assure you that. [At hindi] rin ako kumita,” dagdag niya.
Aminado si Madrona na may mga proyekto ang Sunwest Incorporated, Legacy Construction Corporation, at mga kumpanyang pag-aari umano ng pamilya Discaya gaya ng St. Timothy Construction Corp. at Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp. sa lalawigan. Gayunpaman, iginiit niya na lahat ng ito ay dumaan sa tamang proseso ng bidding.
“May tinatawag tayong NFCC (Net Financial Contracting Capacity), they are qualified to bid and bidding is not limited to local contractors. Hindi puwedeng barahin ang gustong sumali, diba?” paliwanag ng mambabatas.
Kauganay nito, suportado ni Madrona ang binuong task force ng pamahalaang panlalawigan nag magsasagawa ng beripikasyon sa mahigit ₱5.8 bilyong flood control projects ng DPWH sa Romblon mula 2022.