Inaprubahan ng Provincial Development Council (PDC) ng Romblon ang Annual Investment Program (AIP) ng probinsya para sa taong 2026 na may kabuuang halagang ₱2.2 bilyon, sa ginanap na pagpupulong sa Quezon City nitong July 31.
Ang AIP ay naglalaman ng mga prayoridad na programa, proyekto, at aktibidad (PPAs) ng pamahalaang panlalawigan para sa susunod na taon at ang mga detalyadong pondo para dito.
Batay sa dokumentong nakuha ng Romblon News Network, nakalaan ang ₱329.2 milyon sa mga proyekto para sa mga munisipyo ng probinsya.
Samantala, itinalaga naman ang 5% ng kabuuang pondo o katumbas ng ₱90.2 milyon para sa Gender and Development (GAD) programs at disaster response efforts.
Bibigyan ng tig-₱18 milyon ang mga programa para sa senior citizens, early childhood care and development (ECCD), at mga hakbang laban sa HIV/AIDS.
May ₱15 milyon namang inilaan para sa Special Education Fund (SEF), habang ang natitirang ₱1.69 bilyon ay ilalaan para sa operational expenses ng pamahalaang panlalawigan.
Dumalo sa deliberasyon ng AIP sina Governor Trina Firmalo-Fabic, Romblon Congressman Eleandro Jesus Madrona, mga alkalde ng iba't ibang bayan sa lalawigan, at mga kinatawan mula sa civil society organizations (CSOs).
Ang inaprubahang AIP ay isusumite na sa Sangguniang Panlalawigan para sa pinal na pag-apruba.