Binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang mabigat na magiging epekto sa mahihirap ng planong pagtaas ng passenger terminal fee (PTF) sa Batangas Port mula P30.00 hanggang P100.00, ayon sa kanilang opisyal na position paper na isinumite sa Philippine Ports Authority (PPA).
Ayon sa position paper na pirmado ni Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, iginiit na ang Batangas Port ay hindi luho kundi pangunahing “lifeline” para sa mga Romblomanon para sa kalakalan, edukasyon, kalusugan, at pagkakaugnay ng mga pamilya.
Binanggit ng provincial government ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita ng mataas na antas ng kahirapan sa Romblon.
Batay sa 2023 Family Income and Expenditure Survey ng PSA, ang poverty incidence sa lalawigan ay 32.3%, habang ang family poverty incidence ay 23.0%. Ibig sabihin, halos isa sa bawat tatlong Romblomanon ay itinuturing na mahirap.
Dagdag pa rito, ayon din sa PSA, ang average annual family income sa buong MIMAROPA noong 2023 ay nasa P267,360, o humigit-kumulang P22,280 kada buwan—isa sa pinakamababa sa bansa.
Ayon sa position paper, sa ganitong konteksto, ang dagdag na P70 ay hindi maliit na halaga kundi “catastrophic burden” para sa mga pamilyang salat sa kita.
Idinagdag nila na ang ganitong taas na singil ay magpapahirap sa mga estudyanteng umuuwi sa probinsya, sa mga pasyenteng kailangang magpagamot, at sa mga magsasaka at mangingisda na kailangan ng abot-kayang transportasyon para sa kanilang produkto.
“For these sectors, every peso counts. It forces a family to choose between a full day's earnings and a necessary trip,” ayon sa pamahalaang panlalawigan.
Humihiling ang Pamahalaang Panlalawigan sa PPA na ibasura ang petisyon ng Asian Terminals Inc.-Batangas (ATIB) para sa 233% na pagtaas ng terminal fee sa kasalukuyang anyo nito. Kung talagang kailangan umano ng dagdag, hiniling nila na ito ay minimal, makatwiran, at nakabatay sa tunay na kakayahan ng mga mamamayan ng Romblon na magbayad.
Sa huli, binigyang-diin ng provincial government ang kanilang tungkulin na ipaglaban ang kapakanan ng mga Romblomanon sa harap ng mga ganitong panukala na maaaring magpalala pa sa buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan.