Nakauwi na sa kanyang pamilya ang isang mangingisdang mula sa Sibuyan Island matapos ang halos isang araw na pagpalutang-lutang sa dagat dahil sa pagkasira ng makina ng kanyang bangka.
Kinilala ang mangingisda na si Romeo Uyao, na pumalaot noong madaling araw ng Hunyo 15 upang manghuli ng pusit. Subalit, hindi ito agad nakabalik sa kanilang lugar sa Sibuyan Island, dahilan upang mag-alala ang kanyang pamilya at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Ayon kay Uyao, pabalik na sana siya sa kanilang pulo nang biglang masira ang bahagi ng makina ng kanyang bangka, partikular ang rocker arm. Dahil dito, nawalan siya ng kontrol sa sasakyang pandagat at napilitang magpalutang-lutang sa gitna ng dagat.
Napadpad si Uyao sa karagatan malapit sa Barangay Agbudia sa bayan ng Romblon, Romblon. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Magdiwang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ng Philippine Coast Guard Sub-Station sa Magdiwang, Sibuyan matapos ang report ng pagkawala.
Noong Hunyo 16, matagumpay siyang na-rescue ng mga search and rescue teams at agad naibalik sa kanyang pamilya sa ligtas na kalagayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamilya ni Uyao sa mabilis na aksyon ng mga kinauukulan, lalo na sa mga tumulong sa paghahanap at pagsagip sa mangingisda.