Kasunod ng ulat ng isang kaso ng COVID-19 sa isang sanggol mula San Agustin, muling nagpaalala ang Provincial Health Office (PHO) ng Romblon sa publiko ukol sa mga dapat gawin upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Ayon sa PHO, bagaman nasa maayos na kalagayan na ang bata, ang insidente ay paalala na hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19, lalo na sa mga may mahinang resistensya gaya ng mga bata at matatanda.
Ipinayo ng PHO na patuloy na magsuot ng face mask lalo na sa mga pampublikong lugar, ospital, palengke, at matataong espasyo. Kahit opsyonal na sa ilang lugar ang pagsusuot nito, epektibo pa rin ito bilang proteksyon.
Mahalaga rin umano ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig. Kung walang tubig, makatutulong ang paggamit ng alcohol o hand sanitizer.
Pinayuhan din ang publiko na umiwas sa matataong lugar kung hindi kinakailangan at limitahan ang paglabas lalo na kung may nararamdamang sintomas ng sakit. Sa halip, manatili sa bahay at agad na kumonsulta sa doktor kung may malubhang sintomas.
Ayon sa PHO, iwasan ang pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon kaugnay sa Covid-19 para mapanatili ang pagiging kalmado ng lahat.