Patuloy ang pag-iikot ni Governor Jose “Otik” Riano at ng Team BOTIKA sa iba’t ibang bayan ng lalawigan bilang bahagi ng kanilang kampanya at pagbibigay-ulat sa mga nagawa ng administrasyon.
Noong Abril 11, 2025, mainit na sinalubong si Gov. Riano, kasama sina Congressman Budoy Madrona, Vice Governor Arming Gutierrez, at mga kandidato ng Sangguniang Panlalawigan sa unang distrito, sa bayan ng San Fernando, Romblon. Matapos ang pagtitipon sa Barangay Mabulo noong umaga, nagtungo ang grupo sa Barangay Ipil, Magdiwang, kung saan sinalubong sila ng maraming residente. Tumuloy sila sa Magdiwang Poblacion, kung saan kapwa mainit ang pagtanggap ng dalawang magkatunggaling kandidato sa pagka-alkalde — sina Retired DepEd Principal Noel Machon at Dr. Arthur Tansiongco.
Ayon kay Gov. Riano, ang pagbisita ay hindi lamang bahagi ng kampanya, kundi isang pagkakataon upang iulat ang mga proyekto at programang naisakatuparan sa kanyang anim na taon ng panunungkulan. Kabilang sa kanyang mga inilahad ay ang pag-angat ng Romblon mula sa 3rd class patungong 2nd class province, batay sa reclassification ng Department of Finance. Ipinagmalaki rin niya na napabilang ang Romblon sa Top 10 Most Progressive Provinces sa buong bansa, ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority.
Bukod dito, kinilala rin ang lalawigan sa larangan ng pamahalaan at kapayapaan. Noong 2024, ginawaran ito ng Good Financial Housekeeping Award mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Noong 2023 naman, tinanghal ang Romblon bilang Highly Performing Provincial Peace and Order Council.
Sa sektor ng kalusugan, malaking pagbabago ang naipatupad sa mga ospital sa lalawigan. Naayos ang mga gusali ng Romblon Provincial Hospital, Sibuyan District Hospital, at Romblon District Hospital. May kabuuang 1,368 pasyente ang nabigyan ng Patient Transport Assistance mula infirmary patungong Level 1 hospital, habang 912 pasyente naman ang nailipat sa tertiary hospitals gamit ang ambulansya mula 2022 hanggang 2025. Nagkaloob din ang pamahalaan ng P5.8 milyon na financial assistance para sa mga Romblomanong pasyente sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila. Umabot sa 32,606 benepisyaryo ang natulungan sa ilalim ng AICS at AKAP programs, na may kabuuang halagang P235.6 milyon mula 2021 hanggang 2024.
Binigyang-diin din ni Gov. Riano ang mas mabilis na emergency response system at ang pag-usbong ng turismo bilang bagong industriya sa lalawigan. Samantala, ipinaabot rin niya ang pasasalamat sa suporta nina Congressman Budoy Madrona at ng Sangguniang Panlalawigan sa pagpapatupad ng mga infrastructure projects sa buong Romblon.
Discussion about this post