Hindi inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Magdiwang, Sibuyan Island ang panukalang reforestation project ng Development Bank of the Philippines (DBP) matapos bumoto ang konseho ng 5-4 laban sa proyekto.
Ang nasabing proyekto ay naglalayong tamnan ng puno ang 80 ektaryang degraded land sa mga barangay ng Dulangan at Tampayan. Ayon sa proposal, maglalaan ang DBP ng P4 milyon para sa mga punla, P3 milyon para sa maintenance at operasyon, at karagdagang livelihood projects para sa mga residente ng lugar.
Bukod dito, tinatayang 1,680 residente ng Sibuyan ang mabibigyan sana ng trabaho sa loob ng dalawang taon.
Ayon sa mga tumutol sa proyekto, may kaakibat na panganib para sa lokal na pamahalaan sakaling mabigo ito. Nakasaad kasi sa kasunduan na kailangang ibalik ng LGU ang ibinigay na pondo ng DBP kung bumaba sa 30% ang survival rate ng mga itinanim na puno.
Samantala, sinabi naman ng mga sumuporta sa proyekto na hindi magiging problema ang survival rate kung maayos ang pamamahala ng LGU. Dagdag pa nila, posibleng maging dahilan ng pagkabigo ng proyekto ang man-made disasters, kakulangan sa maintenance, hindi pagsasagawa ng replanting, at kawalan ng interes ng lokal na pamahalaan sa proyekto.
Dahil sa naging desisyon ng konseho, hindi na matutuloy ang proyekto sa Magdiwang maliban na lamang kung ito ay muling pag-usapan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hanggang ngayong March 18 na lamang ang deadline na ibinigay sa kanila ng DPB para sa MOA.