Nakatakdang maglagay ng mobile office sa bayan ng Magdiwang, Sibuyan Island, ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Romblon ngayong taon upang mapalapit ang kanilang serbisyo sa mga residente ng isla.
Ayon kay TESDA Romblon Provincial Director Vanessa Jane Aceveda, gagamitin ang gusali ng Provincial Training Center sa Magdiwang bilang pangunahing pasilidad para sa pagsasagawa ng mga pagsasanay at iba pang TESDA programs.
“Actually, meron po tayo doong building, may property po tayo doon. Ngayon, we instructed the Provincial Training Center na lahat ng training na iko-conduct sa Sibuyan ay doon na gagawin,” ani Aceveda.
Bukod dito, dalawang beses o higit pa kada buwan ay magpapadala ang TESDA Provincial Office ng tauhan upang magbigay ng serbisyo sa Sibuyan.
“Tapos siguro twice or thrice a month, magbibigay po tayo ng services doon. We are scheduling na matauhan ang building na na-donate sa atin sa Magdiwang,” dagdag niya.
Gayunman, nilinaw ni Aceveda na walang plantilla positions para sa nasabing satellite office kaya ang mga personnel na itatalaga ay manggagaling pa rin sa TESDA Provincial Office sa Odiongan.
Ang mobile office na ito ay bahagi ng layunin ng TESDA na palawakin ang access sa technical at vocational education sa mga malalayong lugar sa lalawigan.